ILIGAN CITY — Nagsagawa ng contract signing ceremony ang Ministry of Public Works (MPW) ng Bangsamoro Government noong ika-6 ng Hunyo 2024 bilang pagsisimula ng mga proyektong pang-imprustruktura nito sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) 2022 at Transitional Development Impact Fund (TDIF) 2022-2023.
Dinaluhan ang naturang aktibidad ng mga pangunahing opisyales ng MPW at mga kinatawan mula sa mga nanalong private contractors.
Ang SDF 2022, na may budget na P167,995,500, ay popondohan ang iba’t ibang construction projects na layuning mapahusay ang network ng kalsada at sistema ng suplay ng tubig sa iba-ibang parte ng ikalawang distrito ng Lanao del Sur. Kabilang sa mga proyektong ito ang pagpapatayo at pagbubukas ng mga bagong road phases, pagkokonkreto ng mga kasalukuyang kalsada, at pag-iinstall ng mga water systems sa mga lugar na madalang madatnan ng serbisyo.
Kabilang sa mga proyektong ito ang pagpapatayo at pagbubukas ng mga bagong road phases, pagkokonkreto ng mga kasalukuyang kalsada, at pag-install ng mga water systems sa mga lugar na madalang maabot ng serbisyo.
Maliban dito, ang TDIF, sa kabuuang budget na P112,235,790 para sa taong 2022 at 2023, ay susuportahan din ang iba’t ibang proyektong pang-imprustruktura sa komunidad. Kabilang dito ang pagkokongkreto ng mga kalsada sa barangay, pag-iinstall ng solar street lights, pagsasagawa ng mga water system, pagpapatatayo ng mga covered court, at pagsasagawa ng mga children’s parks at multipurpose buildings.
Ang mga inisyatibang ito ay isasagawa sa mga magkakaibang munisipalidad, gaya ng Picong, Butig, Lumbayanague, Bayang, Malabang, at Balindong. Binigyang-diin ni District Engineer Maldamin Decampong ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagsunod sa kontrata ng mga contractors.
“May mabilis at maganda tayong kolaborasyon sa ating mga contractor. Halos lahat ng mga contractor sa ikalawang distrito ng Lanao del Sur ay sumusunod sa Republic Act 9184 [Government Procurement Act]. Ito ay talagang binibigyang halaga natin upang maiwasan ang mga naaantalang proyekto,” sinabi niya.
“Mahigpit nating iniiwasan ang pagkakaantala ng mga proyekto. Sa katunayan ay pinagbawalan natin ang ibang contractors na lumahok sa mga darating na procurement processes dahil ang iba sa kanila ay hindi naabot ang maximum limit sa pag-aantala ng proyekto,” dagdag ni Decampong.
Hinimok niya rin ang pagsusubaybay ng publiko, aniya, “Hinihingi po naming sa publiko na maging mapagmatiyag at subukang obserbahan ang mga proyektong ipinapatupad sa kanilang lugar. Kung may mga makikita kayong mga kakulangan sa pagpapatupad ng mga nasabing proyekto ay ipaalam ito kaagad sa amin. In sha’ Allah aaksyunan kaagad natin ang mga mali ng mga contractors. Hindi natin kukunsintihin ang anumang maling gawi ng mga pribadong contractor.”
Sa isang ekslusibong panayam, nagbigay si Assistant District Engineer Kamar Mauyag ng update sa kanilang mga nagawa. “Para sa fiscal year 2023, nakumpleto natin ang halos 50 hanggang 60% ng mga proyekto. Para naman sa mga proyekto ngayong 2024, nasimulan natin ang pag-procure at sa ngayon ay nasa 30% ang kasalukuyang isinasagawa”.
Binanggit rin niya na ang kanilang district office ay nag-iimplementa ng tatlong klase ng proyekto – ang mga nasa ilalim ng kontrata, ang mga sakop ng memorandum of agreement sa mga local government units, at ang mga direktang pinangangasiwaan sa pamamagitan ng kanilang tanggapan.
Nagpasalamat din siya kay MPW Minister Eduard Guerra para sa pag-aruba niya sa mga proyektong ito na mahigit 30-milyon ang halaga, isang testamento sa epektibong pamamalakad ng kanilang opisina.
Bilang kinatawan ng mga contractors, muling pinagtibay ni Ebrahim Macapodi, proprietor ng Sann Construction Services, ang commitment ng mga contractors na maitaguyod ang isang pamantayang legal at naaayon sa dekalidad na pamantayan.
“Kaming mga contractors ay may maayos na ugnayan sa MPW. Tinitiyak namin na lagi kaming sumusunod sa procurement law sa pagsasagawa ng aming tungkulin at mandato.
Sa isinagawang seremonya ay muli ring pinagtibay ng MPW ang kanilang commitment na maisulong ang pagpapaunlad ng imprustruktura at mapabuti ang mga pampublikong serbisyo sa Lanao del Sur, sa pamamagitan ng pagsisiguro na ang mga proyekto ay mahusay na nakukumpleto at sa pinakamataas na pamantayan. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)