MATANOG, Maguindanao del Norte—Bilang tugon sa matinding pagbaha na resulta ng malakas na pag-ulan simula noong ika-9 ng Hulyo 2024, sanib pwersa ang iba’t ibang ministry at ahensya mula sa regional at local government upang matulungan para mapag-abutan ng agarang tulong ang mga apektadong komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Inanunsyo ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Maguindanao del Norte ang pagtatatag ng isang incident command post sa Matanog upang ma-coordinate ang mga aksyon gaya ng search and rescue operations, relief distribution, at psychological support.
Noong ika-10 ng Hulyo ay nag-deploy ang Bangsamoro READi ng quick response team upang makapagsagawa ng search and recue missions sa pakikipagtulungan sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Air Force of the Philippines (AFP), at Philippine Marines.
Nagpadala rin ang Ministry of Public Works ng heavy equipment upang makatulong sa mga ginagawang road clearing sa rehiyon.
Agarang aksyon ng BARMM Services
Matapos ang isinagawang initial assessment ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) noong ika-9 ng Hulyo, nakumpirmang 162 pamilya sa Matanog at 486 sa Barira, Maguindanao del Norte, 1,845 pamilya sa Malabang, 1,617 naman sa Balabagan, at 83 sa Marogong, Lanao del Sur ang naapektuhan ng baha.
Nagpahayag naman ng pagkagulat si Zahara Matingao, residente ng Barangay Sapad sa Matanog: “Parang isang bangungot na makita ang lahat ng pinaghirapan kong mawala sa isang iglap. Alhamdulillah, ligtas ang aking pamilya, at nagpapasalamat ako sa suporta ng BARMM sa pagbibigay ng pansamantalang tirahan at mga pangunahing pangangailangan.”
Noong ika-10 ng Hulyo ay nagpatayo ng 50 tents ang MSSD upang magsilbing pansamantalang tirahan ng mga lumikas na pamilya sa Barangay Sapad at patuloy na mino-monitor ang sitwasyon para sa iba pang apektadong kabahayan.
Namahagi rin ang MSSD ng mga food at non-food items, kabilang ang mga food packs, tents, at hygiene kits sa mga biktima noong hapon ng ika-10 ng Hulyo. Dagdag pa rito, namigay din ang Office of the Chief Minister ng bigay, food packs, kitchenware, sleeping kits, at mga medisina sa pamamagitan ng inisyatibang Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) noong ika-11 ng Hulyo.
Bumisita rin sa mga apektadong bayan ang ilang mga opisyales kabilang si Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua at MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie upang personal na ma-assess ang sitwasyon. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)