Cotabato City (June 05, 2020) – Pinuri ng National Inter-Agency Task Force (IATF) ang mabilis na pag-aksyon ng Bangsamoro Government sa paglaban sa Coronavirus Disease (Covid-19) sa naganap na pagpupulong kasama ang Bagsamoro-IATF nitong Huwebes, ika-4 ng hunyo sa 6th Infantry Division Camp sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay National Action Plan against Covid-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr, ang bagong tatag na autonomous region ay mabilis na umaksyon para labanan ang pandemyang Covid-19, na naging dahilan ng pagkatala ng mababang kaso ng Covid-19 sa rehiyon.
“Napakaganda ng ginagawa ng Bangsamoro (Government laban sa Covid) at napakababa ng mga naitalang cases […] Natutuwa po kami na kahit napakalayo namin ay talagang napaka self-reliant ng BARMM,” sabi ni Galvez, na siya ding kasalukuyang Secretary of the Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
“Ang BARMM, hindi pa man ito nag-iisang taon, makikita natin na napakaganda ng kanilang reaction,” dagdag pa niya.
Naroon din sa nasabing pagpupulong si National IATF Chairperson and Health Secretary Francisco Duque, na nagpahayag ng suporta at pagkilala sa “collective effort” ng Bangsamoro Government sa pagkontrol nito sa mga kaso ng Covid-19 sa rehiyon. Pinuri din niya ang mga pagsisikap ng BARMM sa pagtatayo ng treatment at monitoring facilities.
Matatandaan na kamakailan ay pormal nang binuksan ng Bangsamoro Government ang isang 100-bed isolation facility sa Cotabato Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat, Maguindanao, na itinayo sa loob lamang ng apat napung (40) araw.
Kaparehong pasilidad din ang nakatakdang bubuksan sa Datu Blah District Hospital sa North Upi, Maguindanao.
Sa nasabing pagpupulong, iniulat ni Ministry of Interior and Local Government (MILG) Minister Atty. Naguib Sinarimbo na ang BARMM ay may nakahandang 158 isolation facilities para sa mga Locally Stranded Individuals (LSI) at Returning Overseas Filipinos (ROF).
Tiniyak ni Sinarimbo na handa ang BARMM na tanggapin ang mga LSI at OFW na uuwi sa rehiyon.
Sa kabuuan, ang BARMM ay mayroong 4,360-bed capacity sa lahat ng limang (5) probinsya nito, 87 na contact tracing team, 19 mechanical ventilators (na dating apat), at isang (kasama ang Rehiyon 12) RT-PCR testing facility sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC).
Bukod pa rito, ang Maguindanao Provincial Hospital at ang Amai Pakpak Medical Center, na parehong nasa Level Two facilities, ay may nakahandang 299 at 400 bed capacity; habang ang CRMC, na Level Three facility, ay mayroon namang 400-bed capacity.
Kamakailan ay inaprubahan na rin ni Bangsamoro Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang tulong na ibibigay sa Amai Pakpak Medical Center na ilalaan para sa pag-upgrade ng laboratoryo nito.
Nabanggit naman ni BARMM Executive Secretary Abdulraof Macacua na “isang prebilehiyong makaharap ng Bangsamoro Government ang mga counterparts nito mula sa National Government, at sinisiguro naming patuloy kaming magsisikap upang malabanan ang paglaganap ng Covid-19.”
“Nagbigay ito ng bagong pag-asa at lakas ng loob upang magpursiging makamit ang tagumpay sa kabila ng krisis na ating kinakaharap,” ani Macacua.
Si Chief Minister Ebrahim ay naroon din sa nasabing pulong sa pamamagitan ng zoom conference .
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ebrahim na “Hindi exception ang Bangsamoro sa impact ng novel disease. Ang ating transition period at timeline ng peace process ay naapektuhan dahil sa mga hakbang na ipinatupad ng Bangsamoro Government upang mapigilan ang pagkalat ng virus.”
“Sa kabutihang palad, katulad ng ginagawa natin ngayon, kami ay umaasa na magagamit natin ang ibat-ibang teknolohiyang mayroon tayo upang maipagpatuloy ang pagtatayo ng bagong burukrasya,” sabi ni Ebrahim.
Dumalo rin sa nasabing pagpupulong sina National IATF officers Secretary of National Defense Delfin Lorenzana at Secretary of Interior and Local Government Eduardo Ano, kasama si AFP Westmincom Chief of Command Lt. Gen. Cirilito E. Sobejana, upang pag-usapan ang kasalukuyang sitwasyon ng Covid-19 sa rehiyon.
Kabilang naman sa mga dumalo mula sa miyembro ng Bangsamoro IATF ay sina Minister of Health Minister (MOH) Dr. Saffrullah Dipatuan, Ministry of Social Services and Development Minister (MSSD) Atty. Raissa Jajurie, Cabinet secretary at tagapagsalita ng IATF na si Mohd Asnin Pendatun, at Bureau of Public Information (BPI) Executive Director Ameen Andrew Alonto. (Bureau of Public Information)