MAGUINDANAO DEL NORTE—Nagbalik-tanaw si Bangsamoro Chief Minister noong Lunes ika-29 ng Abril ang mga pinagdaanan sa paglalagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) isang dekada na ang nakararaan, na nagresulta sa isang Bangsamorong puno ng pag-asa.
“Sampung taon na ang nakalipas nang lagdaan natin ang isang importanteng dokumento, ang CAB, na siyang kumikilala sa pagkalehitimo ng mga karapatan ng mga mamamayang Bangsamoro sa sariling pagpapasya,” sinabi ni CM Ebrahim sa isinagawang komemorasyon ng 10th anniversary ng CAB sa Camp Abubakar, Barira, Maguindanao del Norte.
“Nakita natin ito bilang isang malaking hakbang mula sa kasaysayan; ang umpisa ng bagong pagsisimula para sa ating mga kababayan,” dagdag niya.
Noong ika-27 ng Marso 2014, bumuo ng matibay na alyansa ang Government of the Philippines (GPH) at ang Moro slamic Liberation Front (MILF), matapos malagdaan ang CAB—ang huling kasunduan sa pagitan ng dalawang partido na tumapos sa mahigit dalawampung taong armadong labanan.
Binigyang-diin niya na ang interim government na pinangungunahan ng MILF ay nagsisilbing huwaran sa pagsasagawa ng moral governance sa bawat aspeto ng pagbibigay serbisyo at interbensyon nito.
“Itinatag natin ang BARMM na nagbibigay ng pagpapahalaga sa indibidwal at kolektibong karapatan—isang demokratikong pamahalaan at representatibo ng pagkakaiba-ibang ating niyakap dito sa teritoryo,” pahayag ni Chief Minister.
Binanggit ni Ebrahim na ang tagumpay ng CAB ay nagdulot ng sumusunod na pag-unlad sa Bangsamoro region, gaya ng: pagbaba ng poverty rate, pagtaas ng investment, at pagdami ng oportunidad sa trabaho.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang poverty incidence sa BARMM ay bumaba ng 29.8 porsiyento sa 2021 mula sa 54.20 porsiyento noong 2018, kasama rin dito ang 56 porsiyentong pagtaas sa investment, na nagpapahiwatig ng malaking pagbabago.
Noong ika-16 ng Abril 2024, sinabi ni Bangsamoro Board of Investments (BBOI) Chairperson Mohamad Pasigan na ang iba’t ibang investment sa Bangsamoro region ay inaasahang makapagdadagdag ng P3.7-bilyon sa lokal na ekonomiya sa loob ng kasalukuyang taon, na makapagbibigay ng 1,155 trabaho.
Samantala, noong Enero 2024 ay tinatayang nasa 95.5 porsiyento naman ang employment rate sa bansa, 0.3 porsiyentong mas mataas kung ikukumpara sa nakaraang taong 95.2 posriyento. Nagpapakita ito ng malaking kontribusyon sa datos ng national employment.
Binanggit din ni Ebrahim na ang pagbubukas ng Bangsamoro Airways, isang airline company na nakabase sa rehiyon na inilunsad noong nakaraang linggo, ika-24 ng Abril, ay layuning mas mapalago ang pag-unlad ng ekonomiya at konektibdad sa BARMM.
Hinimok niya ang mga peace champion at mga Bangsamorong residente na manatiling nakatuon sa maayos na pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan, aniya, “Sa pagsasagawa nito, tuluyan nating maiimplementa ang mga nakasaad sa CAB at magagabayan ang Bangsamoro sa landas na patungo sa seguridad ng ekonomiya, katatagan ng pulitika, at tagumpay.”
Muli ring hinikayat ni Ebrahim ang kanyang nasasakupan na tuparin ang pangakong hindi magkakahiwa-hiwalay, at gawing pamana ang pagkakaroon ng kapayapaan sa rehiyon.
Ang pagpapanatili at pagpapabuti ng kapayapaan, seguridad, at hustisya ang ikalabing-isang priority agenda ni CM Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)