Cotabato City (Mayo 14, 2020) – Makalipas ang dalawampu’t apat na taong pagkasara, muli nang binuksan ng Provincial Government ng Maguindanao ang Parang District Hospital upang gawing isa sa mga Covid-19 isolation center sa probinsiya.
Pinangunahan ni Maguindanao Governor Bai Mariam Mangudadatu ang sermonya ng pagbubukas ng ospital noong Martes, ika-12 ng Mayo, 2020.
Ayon sa gobernadora, kinakailangang mabigyan ng prayoridad ang serbisyong medikal para sa mamamayang Bangsamoro.
“Hindi natin kailangang mag focus lamang sa pamimigay ng ayuda. Hindi relief goods ang kasagutan sa pagsugpo ng Covid-19,” ani Governor Mangudadatu.
Ayon pa sa kanya, nagkaloob rin ang lokal na pamahalaan ng Maguindanao ng mga kagamitang pang medikal sa nasabing hospital.
Naroon din sa nasabing seremonya sina BARMM Health Minister Dr. Safrullah Dipatuan at Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun, na siyang kumatawan kay Bangsamoro Chief Minister Ahod ‘Al-Haj Murad’ Ebrahim.
Saad ni CabSec Pendatun: “Ang pagbubukas ng Parang District Hospital ay nagpapakita ng isang halimbawa ng pakikipagtulungan na kailangan ng bawat isa sa panahon ng pandemyang ito.”
“Ito ay nagpapahiwatig na malakas ang pagkakaisa at pagtutulungan ng Bangsamoro Government at ng probinsya ng Maguindanao sa paglaban sa Covid-19,” dagdag pa niya.
Ayon kay Pendatun, simula nang maideklara ang public health emergency sa bansa, ang Bangsamoro Government ay agad na nagsagawa ng mga serye ng inisyatibong magtitiyak na ang pandemya ay hindi gaanong magdudulot ng hirap sa mamamayang Bangsamoro.
“Inaasahan ng Bangsamoro Government na ang Parang District Hospital ay magiging partner hospital ng programa nitong AMBAG,” ani Pendatun.
Ang AMBAG, o Ayudang Medikal mula sa Bangsamoro Government, ay isang programang inisyatibo ng Office of the Chief Minister na naglalayong makatulong sa mahihirap na mamamayan ng rehiyon sa pamamagitan ng serbisyong medikal.
“Naglalaan tayo ng pondo sa ating mga partner hospitals. Ito pong pondo na ibinibigay natin ay ginagamit po para tulungan yung medical finances noong ating mga kababayan,” paliwanag ni Pendatun.
“Tayo ay nakatulong na sa humihigit 3,000 mga pasyente, at karamihan sa kanila ay nakababa ng ospital na walang binayaran, kahit piso,” dagdag niya.
“Ito ay isang testamento sa panawagan ni chief minister na bigyang prayoridad ang kalusugan sa rehiyon. Isa lamang ito sa mga naunang inisyatibong pangkalusugan na ating nagawa, as far as public health emergency is concerned,” aniya.
Binigyang diin din ni Pendatun na sa kabila ng patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa BARMM, hindi ibig sabihin na magiging kampante na ang publiko.
“Patuloy na susuportahan ng Bangsamoro Government ang mga local government units nito sa kanilang mga inisyatibo sa panahon ng pandemya,” saad ni Pendatun.
Sa pinakahuling datos, ang BARMM ay nakapagtala lamang ng labing-isang kumpirmadong kaso sa buong rehiyon, pito (7) rito ay naka recover na, apat (4) ang binawian ng buhay, isa (1) ang kasalukuyang naka home quarantine at (0) o wala nang naka confine pa sa ospital. (Bureau of Public Information)