MAGUINDANAO DEL NORTE—Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang bisita rito noong Lunes, ika-29 ng Abril, na ang mga mamamayang Bangsamoro ang mga nanalo sa prosesong pangkapayapaan ng Bangsamoro.
Ito ay kanyang binanggit sa isinagawang komemorasyon ng 10th anniversary ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa Camp Abubakar, Barira ng nasabing probinsya.
“Niyakap (natin) ang kasunduang walang natalo, pero tao ang panalo,” diin ng Pangulo.
Matatandaang noong ika-27 ng Marso 2014 ay nilagdaan ng Government of the Philippines (GPH) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang CAB, na kumumpleto sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawa na siyang tumapos sa mahigit apatnapung taong armadong tunggalian.
Ibinahagi ni PBBM na ang pagpapatupad ng prosesong pangkapayapaan ng Bangsamoro ay nagresulta sa mga positibong pagbabago sa autonomous region ng Mindanao na dating sentro ng digmaan.
“Kung dati, ito (BARMM) ay lugar ng labanan, ngayon ay lugar na ito ng kapayapaan. Kung dati, dugo ang dumadanak dito, ngayon ay kaunlaran ang dumadaloy,” pahayag niya.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang commitment sa normalization track ng CAB kasama ang MILF at Moro National Liberation Front (MNLF) at binanggit ang dating naipagkaloobs na amnestiya sa mga dating rebelde.
Noong Nobyembre 2023, nagbigay si PBBM ng amnestiya sa MILF at MNLF sa ilalim ng Proclamation No. 405 at 406, na mahalaga para sa buong implementasyon ng nasabing track.
Napapaloob sa normalization track ang mga makabuluhang interbensyon, partikular na ang pagdedetalye ng decommissioning ng mga dating combatant, pagbubuwag sa mga private armed groups (PAGs), at renewal ng Presidential Proclamation on Amnesty, bukod sa iba pa.
Noong Enero 2024 lamang ay nasa 26,145 ang kabuuang bilang ng mga dating comabatant ang na-decommision.
Hinimok niya ang mga peace champion, kabilang ang mga residenteng Bangsamoro, na palakasin ang koordinasyon upang maabot ang pangmatagalan at sustainable na kapayapaan at kaunlaran sa BARMM.
“Ipagpatuloy natin ang pagsisikap at pagmartsa nang magkatuwang habang ipinapatupad natin ang ating whole-of-society approach sa ating misyon na iangat ang mga buhay ng mga mamamayang Bangsamoro. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)