DATU PIANG, Maguindanao del Sur—Namahagi ang Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) ng Office of the Chief Minister ng mahahalagang tulong sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa bayan noong ika-16 ng Hulyo.
Nagdala ang Project TABANG ng 4,690 sako ng 25kg ng bigas at ipinamahagi sa mga nagsilikas na pamilya na ngayon ay pansamantalang naninirahan sa covered court sa municipal plaza sa Poblacion at evacuation center sa Magaslong.
Kinumpirma ni Mayor Victor Samama sa isang ekslusibong panayam bago ang relief distribution na ang lahat ng 16 barangay ng kanilang munisipalidad ay lubog na sa baha.
“Nagbigay na kami ng tulong sa aming mga kababayan ngunit dahil nga sa lahat ng barangay ay apektado, hindi pa rin ito sapat kaya malaking tulong ang naidagdag mula sa BARMM,” sinabi ni Samama.
Ayon sa datos na ibinigay ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO), 7,800 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha sa bayan na siyang nag-udyok sa Local Government Unit na magdeklara ng state of emergency.
Kinumpirma rin ni Mayor Samama na matagal nang problema ng munisipalidad ang mga insidente ng pagbaha, subalit ang kamakailang pagbaha ay nailubog kahit pa ang pinakamataas na bahagi ng bayan. Kaya naman, binigyang-diin niya ang agarang pangangailangan ng mas permenteng solusyon.
“Umaasa kami na makapagsasagawa na ng dredging sa Rio Grande,” pahayag ni Samama, at ipinaliwanag na ang dredging operation o pagtatanggal ng mga sediment at debris mula sa ilalim ng ilog ay maaaring mabawasan ang pagbaha sa hinaharap.
Binanggit rin niya na dahil sa patuloy na pagbaha ay nawala ang katayuan ng munisipalidad bilang isang rice granary, bunsod na rin sa libo-libong ektarya ng lupa na hindi na napagsasakahan ng palay. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)