PATIKUL, Sulu – Sa pamamagitan ng Project TuGoN ng regional government ay nakapag-abot ng pangkabuhayang suplay at pinansyal na suporta sa 58 na dating combatants sa probinsya sa pagsisikap na mapanatili at mapabuti pa ang kapayapaan, hustisya, at seguridad sa buong Bangsamoro region.
Ang Project TuGoN o ang Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit ay isang specialized program na nakatuon sa pagtulong sa repormasyon ng iba’t ibang armadong grupo sa loob ng BARMM. Partikular na layunin nito na sila ay mabago bilang mga produktibong mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa kanilang reintegration at mainstreaming sa komunidad.
Pinangunahan ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) Sulu Provincial Office ang distribusyon ng tulong sa mga benepisyaryo noong Lunes, ika-18 ng Disyembre.
Sa pakikipagkolaborasyon sa Ministry of Interior and Local Government (MILG), Ministry of Social Services and Development (MSSD), at Armed Forces of the Philippines (AFP), nasa P50,000 ang kabuuang halaga ng tulong pangkabuhayan at P20,000 na tulong pinansyal ang naibigay sa mga benepisyaryo.
Idiniin ni MTIT-Sulu Provincial Director Dr. Nagdar U. Sasapan na ang Project TuGoN ay hindi lamang trabaho ng isa bagkus isang pinagtutulungang inisyatiba na layuning maiangat ang kalidad ng buhay ng bawat dating combatant sa rehiyon.
“Ipagdiwang natin ang tuloy-tuloy na kapayapaan at kaunlaran ng ating minamahal na probinsya ng Lupah Sug. Tayo ay magtulungan sa paghahanap ng daan upang maiangat ang kalagayan ng buhay ng ating mga dating combatants,” sinabi ni Sasapan sa kanyang mensahe.
“Umaasa kami na hindi ito ang una at huli, magkakaroon pa kami ng ibang batch ng Project TuGoN sa lalong madaling panahon,” dagdag niya.
Nagpaabot naman ng lubos pasasalamat si Imla Abbas, isa sa mga benepisyaryo ng Project TuGoN, sa BARMM. Aniya, “Labis kaming nagpapasalamat sa BARMM dahil sa pagtulong nito sa amin. Nagpapasalamat din kami dahil ibinigay nila ang aming mga kahilingan.”
Patunay lamang ang distribusyon ng pangkabuhayang suplay at pinansyal na tulong sa hindi natitinag na dedikasyon ng BARMM sa pagtaguyod nito ng kapayapaan, hustisya, at seguridad sa buon rehiyon. Habang patuloy ang BARMM sa pag-abot ng mapayapa at maunlad na kinabukasan para sa mga mamamayan nito, ang mga inisyatibang gaya ng Project TuGoN ay inaasahang magkakaroon ng mahalagang papel sa pag-abot ng mga adhikaing ito.
(Alline Jamar M. Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)