Marawi, Lanao del Sur— Naglunsad ang Bangsamoro Government, sa pamamagitan ng Bangsamoro Planning and Development Authority-Special Development Fund Project Management Office (BPDA-SDF PMO), ng mini hydropower projects upang mapalakas ang suplay sa probinsya.
Upang pormal na masimulan ang pagpapatupad ng mga bagong inisyatiba ay lumagda ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE), BPDA-SDF PMO, at mga local government units (LGU) ng Kapai at Marogong sa isang memorandum of agreement (MOA) noong ika-21 ng Hunyo 2024.
Inaasahang maipatatayo ang mga hydropower projects, na pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund (2022 at 2023) ng BPDA, sa mga munisipyo ng Kapai at Magorong.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni BPDA Director-General at SDF PMO Project Manager Engr. Mojahirin Ali ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga inisyatibang ito sa pagtugon sa enerhiyang kinakailangan ng mga komunidad ng Bangsamoro.
“Binibigyang-diin ng proyektong ito ang kahalagahan ng isang sustainable resource management, tulad ng pinapakita ng pamunuan ng MENRE,” sinabi ni Ali.
Dagdag pa niya na sa pagbibigay-prayoridad sa renewable energy ay nangangailangan ng pagtataguyod sa pagpoprotekta sa kapaligiran at pagtutugon sa agarang pangangailangan ng enerhiya ng mga munisipalidad.
“Magbibigay ang mga mini-hydropower facilities ng isang maaasahan at malinis na mapagkukunan ng enerhiya, makapagpapababa sa pagdepende sa mga non-renewable at mapaminsalang mapagkukunan ng enerhiya,” saad niya.
Sa isinagawang ceremonial signing ng MOA, muling binanggit ni MENRE Minister Akmad Brahim ang responsibilidad ng mga kaugnay na partido upang matiyak ang matagumpay na implementasyon ng mga proyekto.
“Habang umuusad tayo sa hydropower projects na ito, dapat tayong manatiling matatag sa ating commitment sa kahusayan at pagpapanatili nito,” sinabi ni Brahim.
“Responsibilidad natin na masiguro na ang mga proyektong ito ay matatapos sa tamang oras, naaayon sa budget, at may pinakamataas na pagsasaalang-alang para sa pangangalaga ng kapaligiran at kapakanan ng komunidad,” dagdag niya.
Nagpasalamat naman si Marogong Vice Mayor Haroun Maruhom at Kapai Vice Mayor Hamza Gauraki sa Bangsamoro Government, dahil ang mga proyektong ito ay inaasahang magpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga mamamaya.
Ang pagkakaroon ng seguridad sa enerhiya ay kabilang sa 12-point priority agenda ng Government of the Day, na pinangungunahan ni Chief Minister Ahod Ebrahim. Layunin ng pokus sa pagpapaunlad at paggamit ng mga alternatibong pinagkukunan ng enerhiya na makapag-engganyo ng mga investment at makagawa ng mga trabaho para sa mga mamamayan sa rehiyon.
Maliban dito, ang implementasyon ng mga pasilidad ng mini-hydropower na ito sa Lanao del Sur ay nakaayon sa layunin nito at matiyak ang isang sustainable na hinaharap para sa mga mamamayang Bangsamoro, lalo na ang mga nasa mahihirap at rural na komunidad.
Kabilang sa mga dumalo sa kaganapang ito si MENRE Bangsamoro Director General for Energy Engr. Nasiri Abas, Atty. Noranissa Aliudin of MENRE, Marogong Mayor Nassif Maruhom, at SDF-PMO Deputy Project Manager on Operations Engr. Kadil Sulaik, Jr. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa SDF-PMO)