JOLO, Sulu – Sa hangarin nitong magkaroon ng holistic at mas mataas na kalidad ng edukasyon sa rehiyon, nag-turn over ang Bangsamoro Government ng bagong 3-storey schools division office sa probinsiya ng Sulu.
Pinangunahan nina Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) Director General for Basic Education Abdullah Salik, Sulu Provincial Governor Abdusakur Tan, at Sulu Schools Division Superintendent Kiram Irilis ang turnover ceremony ng gusali noong ika-11 ng Setyembre.
Sa kanyang mensaheng ipinaabot ni Salik, sinabi ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal na ang nasabing gusali ay itinayo “upang makapagbigay ng seguridad at proteksyon, at mga nararapat na pasilidad sa ating mga kasamahan sa Division office.”
“Sila ay may malaking gampanin sa pagpapatatag ng ating sistema ng edukasyon, at ang kanilang kaligtasan at kasiyahan ay isa sa ating mga pangunahing prayoridad,” pahayag ni Iqbal.
Binigyang-diin din ni Minister Iqbal ang mahalagang tungkulin ng Schools Division Office sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa Sulu. Magsisilbi rin umano ito bilang tahanan ng isang walang kininikilingan at dekalidad na sistema ng edukasyon.
Samantala, nagpasalamat naman si Irilis sa MBHTE sa matagumpay na pag-turn over ng bagong gusali.
Aniya, “nagpapasalamat kami sa BARMM sa pagbibigay nila sa amin ng bagong gusali ng schools division office. Ito na ang pinakamagandang Schools Division Office building sa ngayon, (sa tingin ko) sa buong BARMM.”
“Huwag kayong matakot na magbigay sa amin ng proyekto. Bibigyan namin itong prayoridad para gumanda pa ang Sulu,” dagdag niya.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Sulu Provincial Governor Abdusakur Tan sa MBHTE para sa handog nitong bagong Schools Division Office building sa lalawigan.
Ang nasabing gusali ay nagkakahalaga ng P40-milyon at pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund 2020 ng regional government. Maliban pa rito ay kasalukuyan na ring itinatayo ang dalawang palapag na gusali na may sampung (10) silid-aralan sa Lapak Agricultural School sa Siasi, Sulu.
Sa ngayon ay mayroon ng 39 na high school, 418 elementarya, at 20 annexes ang probinsya ng Sulu. (Alline Jamar Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)