COTABATO CITY— Binigyang pagpupugay ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim si Shariff Kabunsuan, ang kauna-unahang Islamic preacher na naging pundasyon upang magkaroon ng pagkakakilanlan at sariling bayan ang mga Bangsamoro.
“Kung walang Shariff Kabunsuan, walang Bangsamoro at walang Muslim Mindano,” Ayon pa kay CM Ebrahim sa ginanap na Guinakit Fluvial parade sa kahabaan ng Rio Grande de Mindanao noong Huwebes, Disyembre 19.
Taunang ipinagdiriwang ang Guinakit festival upang mas bigyang pagkilala ang pagdating ni Shariff Mohammad Kabunsuan noong ika-16 siglo na nagdala ng Islam sa buong mainland ng Mindanao.
Tampok sa selebrasyon ang mga masigla at magarbong desinyo ng mga bangka— isa sa uri na ginamit ng mga royal families upang mag-navigate sa ilog para ipakita ang kultura at kasaysayan.
Binigyang-diin din ni Ebrahim, ang pagdiriwang ay mahalagang pagkilala sa mayamang pamana ng Bangsamoro at pinatibay na adhikain.
“Ang pagdiriwang na ito ay sumasalamin sa kalakasan ng ating mga ninuno, yaman ng ating kultura, at ang mga adhikain na hinabi sa ating sama-samang diwa,” Dagdag pa nito.
Inilarawan naman ni Minister Abuamri Taddik ng Trade, Investments, and Tourism ang mga bangka sa Guinakit bilang ‘time machine’ na muling nag-uugnay sa mga mamamayan ng Bangsamoro sa makasaysayang pinagmulan nito.
Dagdag pa nito, ang okasyon ay hindi lamang ipinagdiriwang ang nakaraan kundi pati na rin ang kasalukuyan. Aniya, “Ito ay isang testamento ng pagkamalikhain, katatagan, at hindi matitinag na spirit ng mga Bangsamoro.”
Sa pahayag ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao na nirepresent ni OIC City Administrator Mahaleah Dumama Midtimbang na nangangako ang lungsod na magkaroon na mas maunlad, pagkakaisa, at inklusibo para sa lahat bilang sentro ng Bangsamoro region.
Samantala, hinikayat din ni Ebrahim ang Bangsamoro constituents na yakapin ang mga turo ni Shariff Kabunsuan—na nakatuon sa pakikiramay, pananampalataya, at walang humpay ang pangako sa isa’t isa.
Naka-angkla naman ang pagdiriwang ngayon taon sa temang, “Colors of Guinakit: Honoring the Past, Navigating the Future.” (Johamin Inok, Myrna Tepadan/BIO)