COTABATO CITY—Bilang isang matibay na dedikasyon sa pagtitiyak ng komprehensibong healthcare para sa mga mamamayang Bangsamoro, nangako ang Ministry of Health (MOH) na “walang sinuman ang hindi matutugunan.”
Ito ay binigyang-diin sa ginawang turnover ceremony noong ika-8 ng Hulyo, kung saan namahagi ng mga bagong land at sea ambulance, patient transport vehicles, mobile clinics, at tulong medikal sa mga benepisyaryo sa buong rehiyon.
Binigyang-pansin ni MOH Minister Dr. Kadil Sinolinding Jr. ang dedikasyon ng pamahalaan sa inklusibong serbisyong pangkalusugan.
“Nakikinig ang aming ministry sa inyo, narinig namin kayo, at kami ngayon ay tumutugon sa inyo. Sinabi ng Chief Minister na walang dapat mapag-iiwanan. Daragdagan ko ito, sa ngalan ng MOH, walang sinuman ang hindi matutugunan,” sinabi ni Dr. Sinolinding.
Nasa P910-milyon ang kabuuang halaga na inilaan para sa mga pryektong pangkalusugan na ito sa ilalim ng Transitional Development Impact Funds (TDIF) mula 2020 hanggang 2024.
Pumasok sa isang kasunduan ang MOH at Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) na isinagawa sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC) para sa P217,356,560-milyong halaga ng mga mahahalagang healthcare resources, kabilang dito ang 48 units ng land ambulance, 2 units ng sea ambulance, 2 units ng mobile clinics, 8 units ng patient transport vehicle, Barangay Health Workers (BHW) incentives, medical cash assistance, at mga mahahalagang gamot sa iba’t ibang ospital, local government units (LGUs), at rural health units (RHUs) sa Bangsamoro region.
“Tayo ay magsisikap at gagawin ang ating tungkuling kaugnay sa kalusugan, lalo na sa larangan ng paggamot, pagsusuri, at mga emergency situation,” dagdag ni Dr. Sinolinding.
Binanggit din ni Dr. Sinolinding na ang mga kasalukuyang aksyon sa pagpapabuti ng mga ospital sa rehiyon, at nagpahayag ng pag-asa na malapit na nilang maabot ang level 2 o kahit pa level 3 hospital status.
“Itong world-class na serbisyong ito ay hindi dapat kakaiba sa ating Bangsamoro. Gagawin natin ang lahat na madala ito sa inyong tahanan, kaya naman samahan niyo kami sa paglalakbay tungo sa mas mabuti at produktibong serbisyong pangkalusugan,” pahayag niya.
Samantala, binigyang-diin din ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim ang epekto ng mga inisyatibang ito.
“Simula nang maitatag ang BARMM, nararanasan na natin ang mga positibong pagbabago at epekto ng mga tagumpay na ito sa ating mga mamamayan. Ang TDIF ay dinisenyo upang mabigyan ang mga miyembro ng parliyamento ng pagkakataon na maipatupad ang mga community development programs at projects,” sinabi ni Ebrahim.
Nagpaabot din ang Chief Minister ng pasasalamat sa mga dati at kasalukuyang Members of the Parliament na itinuon ang kani-kanilang TDIF sa health sector, na siyang nagbigay-daan upang mabili ang mga patient transport vehicle, land at sea ambulance, at mga mobile clinic.
“Masisiguro ng mga proyektong ito ang mabilis na pagbibigay ng health care services at makapaglalapit ng pamahalaan sa mga tao,” dagdag ni Ebrahim. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)