COTABATO CITY—Nakiisa ang Bangsamoro Government sa international community noong Biyernes sa pagdiriwang ng 20-taong walang sawang pagdo-donate ng dugo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang bloodletting activity dito sa lungsod.
Nakipagtulungan ang Ministry of Health (MOH) sa Cotabato Regional & Medical Center (CRMC) upang bigyang pagkilala at pagpupuri ang mga blood donors para sa kanilang donasyong nakapagsasagip ng buhay kaugnay ng selebrasyon ng World Blood Donors Day.
Taos-puso ang pasasalamat ni Health Minister Dr. Kadil Sinolinding Jr. sa bawat Bangsamoro na patuloy ang pagbabahagi ng kanilang dugo para sa kapakanan ng iba.
“Ang pagdo-donate ng dugo ay malaking tulong sa mga nangangailangan upang mabalanse ang kanilang buhay. Ito ay patriyotismo na hindi mabibili ng pera dahil bawat buhay ay mahalaga,” sinabi ni Minister.
Dagdag pa niya, “Dahil sa inyong pagmamalasakit at pagmamahal para sa iba, makapagsasalba ng mga buhay, Insha Allah, isa sa mga turo ng Islam.”
Ang selebrasyon ngayong taon na may temang: “20 years of celebrating giving: thank you, blood donors!” ay layuning mapataas ang kamalayan patungkol sa kahalagahan ng ligtas na dugo at blood products upang makapagsagip ng buhay habang isinusulong ang kultura ng regular na pagdo-donate ng dugo sa mga kabataan.
Nagbigay rin ang kampanya ng isang oportunidad na mapasalamatan ang mga nagdonate ng dugo, plasma, at platelet sa mundo para sa kanilang mga donasyong nagliligtas-buhay.
Sa 73 bags ng blood donation na nakolekta sa naturang aktibidad, binigyang-diin ni MOH Regional Blood Donation Coordinator Nudin Amil na ang mga donors ay maituturing na “modern-day heroes.”
“Bawat donasyon ng dugo ay mahalagang regalong pangsagip ng buhay, at ang paulit-ulit na donasyon ay susi sa pagtatatag ng isang ligtas at sustainable na suplay ng dugo,” pahayag niya.
Si Alexis John Fernandez, 37-taong gulang at miyembro ng Philippine Army, ay isang regular blood donor na kinikilala ang mga benepisyo ng pagbibigay ng dugo.
“Dati nang naranasan ng pamilya namin kung gaano kahirap ang makakuha ng dugo sa blood bank […] Nakakaramdam ako ng kasiyahan sa tuwing magdo-donate ako ng dugo at makapagligtas ng mga buhay ng mga Pilipino.”
Ayon naman kay Nosria Akan, 39-taong gulang at residente ng Maguindanao del Sur, ito ang unang beses na nakapagbigay siya ng dugo.
Aniya, “Ang pagtulong na pagsagip ng buhay ng kapwa natin Bangsamoro ay isang karapat-dapat na gawain at isang pamamaraan ng pagsamba.”
Hinikayat naman ni MOH Director II for Technical Services Dr. Ahmad-Fawadz ang komunidad ng Bangsamoro ng magbigay ng dugo upang mas maraming buhay pa ang masagip.
“Magkaisa tayo bilang isang komunidad at yakapin ang diwa ng World Blood Donor Day, at kilalanin na sa bawat patak ng dugo na ibibigay ay pwedeng magkaroon ng malaking pagbabago sa mga buhay ng ating kapwa Bangsamoro,” diin niya.
Bagama’t hindi hinihikayat ng mga awtoridad ang mga may malalalang sakit at mga gumagamit ng ilegal na gamot na magdonate, nananatili pa ring isang pagkakawang-gawa ang pagbibigay ng dugo na nakakapagsagip ng buhay. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)