COTABATO CITY- Upang labanan ang malnutrisyon, target ngayon ng Bangsamoro Government sa mga susunod na apat-na-taon na bababa sa sampung porsyento ang bilang ng malnutrisyon sa rehiyon. Ito’y matapos na ilunsad noong October 28, ang kauna-unahang Regional Plan of Action for Nutrition (RPAN) 2023-2028.
Pangungunahan ng Ministry of Health ang pagpapatupad ng RPAN at ito rin ang magiging tugon sa isinagawang pag-aaral ng World Bank on Child Nutrition noong 2019 sa buong rehiyon.
Kabilang sa nakakapagpataas ng bilang ng malnutrisyon sa mga batang limang-taong-gulang pababa sa rehiyon ay ang kahirapan, kakulangan ng mapagkukunan ng pagkain (food insecurity), hindi sapat na pangangalaga sa kalusugan at laging pagkakaroon ng di inaasahang sakuna at kalamidad.
Ayon kay Chief Minister Ahod Ebrahim, ang nutrisyon ay hindi lamang matatawag na regional health issue bagkus isa itong isyung panlipunan na makaka-apekto sa edukasyon, pag-unlad ng ekonomiya at sa kaayusan ng bawat komunidad.
“Simula ng maitatag ang BARMM noong 2019 hanggang sa kasalukuyan ay sinisiguro natin na lahat ng Bangsamoro ay may access sa masustansyang pagkain at wastong pangkalusugan,” Ayon kay Ebrahim.
“Sa pamamagitan ng moral governance, magtulungan tayo para sa mas maunlad na Bangsamoro at para sa mga susunod na henerasyon. Hangad naming na magkakaroon tayo ng malusog at mas abot-kaya na mga pagkain,” Dagdag ni Chief minister.
Ayon kay MOH Minister Dr. Kadil Sinolinding, Jr., magandang hakbang ito upang matugunan ang sanhi ng malnutrisyon, maging sa pagkain at pangkalusugan na nakakaapekto sa mga sanggol, mga bata, mga buntis, mga nanay, at bawat pamilyang Bangsamoro.
Hinikayat din ni Dr. Sinolinding ang lahat ng sektor, leaders, partners at mga miyembro ng komunidad na makiisa sa pagpapatupad ng RPAN.
“Ang food security ay isa sa pangunahing layunin ng RPAN upang masiguro na ang bawat kabahayan sa BARMM ay maka-access ng sapat, masustansya, at halal na pagkain,” Dagdag pa ni Sinolinding.
Binigyang diin naman ni MOH Deputy minister Dr. Zulqarneyn Abas na ang RPAN ay isa magiging gabay ng ministry sa pagpapatupad ng mga programa upang labanan ang malnutrisyon.
Ang defunct-ARMM ay nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng malnutrisyon sa buong bansa noong 2015 na umabot sa 45.2%. Noong 2021, pagkatapos ng pitong taon pagsasagawa ng iba’t-ibang upang labanan ang malnutrisyon sa buong BARMM region ay bumaba ito sa 36.6% na aabot sa bilang na 240,000.
Ang implementasyon ng RPAN ay nakabase sa tatlong (3) main programs at sampung (10) mga proyekto na denisenyo upang i-address ang sanhi ng malnutrisyon kabilang dito ang Nutrition-Specific program na naka-angkla sa Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition (PIMAM) at 1,000 days programs.
Ang programang Nutrition-Sensitive naman ay higit na tumutugon ibang pangangailangan sa rehiyon tulad ng kalusugan ng kabataan, water, sanitation, and hygiene (WASH), at paggawa ng pagkain sa bahay at komunidad.
Nagbigay suporta din ang mga BARMM ministries, offices, and agencies, local government units (LGUs) sa rehiyon, humanitarian partners, at mga opisyales ng MOH sa pag-implementa ng RPAN sa buong rehiyon. (Kasan Usop,Jr. / Myrna Tepadan/BIO)