LANAO DEL SUR —Sinimulan na ng Bangsamoro Government, sa pamamagitan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD), ang pamimigay ng mas mataas na social pension (SocPen) sa 64,939 mahihirap na senior citizens sa probinsya, kabilang ang Marawi City, noong ika-17 ng Hunyo 2024.
Ang pagtaas ng kanilang pensyon sa halagang P6,000 bawat isa bilang kanilang semestral cash assistance ay naaayon sa Republic Act 11916, o ang SocPen for Indigent Seniors Act, na naisabatas noong ika-30 ng Hulyo 2022. Ang kanilang buwanang pensyon na dating nasa P500, ay naitaas na ngayon sa P1,000 simula ngayong taon.
Ayon kay Amerah Amer, ang Project Development Officer para sa Social Pension (SocPen) Program ng MSSD-Lanao del Sur , kinakailangang taasan ang buwanang pensyon dahil na rin sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain at gamot.
“Nagtaas po tayo [social pension] mula P500 to P1,000 kada buwan dahil nakikita po natin na nahihirapan ang ating mga senior citizen dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain gaya ng bigas at ng kanilang gamot”, sinabi ni Amer.
Nagpasalamat naman si Abdulazis Batara, Chairman ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), sa Tamparan, Lanao del Sur, aniya, isa itong makabuluhang tulong sa mga mahihirap na senior citizen, lalo na ang may mga iniindang sakit.
“Ang indigent senior citizens ng Municipality of Tamparan ay lubos pong nagpapasalamat sa ating gobyerno sa pagtaas ng aming natatanggap na social pension. Napakalaki po itong tulong sa amin dahil hindi na kaming masyadong mahihirapan sa pagbili ng aming maintenance na gamot”, pahayag ni OSCA-Tamparan Chair Batara.
Batay naman kay Potre Nor-Aliah Bubong, ang Regional Focal Person ng SocPen Program, ang kabuuang dami ng target beneficiaries sa Bangsamoro region ngayong taon ay 173,408 senior citizens, katumbas ng mahigit sa dalawang bilyong pisong social pension budget.
Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) Program, kilala rin bilang SocPen, ay isang nationally-funded government assistance program na ipinapatupad sa rehiyon ng MSSD. Pangunahing layunin nito na mapabuti ang pamumuhay ng mga benepisyaryo nitong senior citizen.
Ang mga target beneficiaries ng SPISC Program ay mga 60-taong gulang, mahihina at may sakit o disabilidad na walang permanenteng pinagkakakitaan, kasalukuyang hindi tumatanggap ng pensyon mula sa gobyerno o mga pribadong institusyon, at mga walang regular na suportang natatanggap sa kanilang mga pamilya o kamag-anak. Sa pamamagitan ng interbensyong ito, inaasahan ng pamahalaan na maiiwasan ang pagpapabaya at pang-aabuso sa mga senior citizens sa mga mahihirap na komunidad. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)