MAGUINDANAO DEL NORTE—Nakumpleto ng 50 iskolar ang kanilang kursong technical-vocational noong ika-28 ng Pebrero sa bayan ng Parang nitong probinsya.
Ayon sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) Technical Education and Skills Development (TESD) Maguindanao Provincial Office, 25 sa mga nagsitapos ay mga Persons with Disabilities (PWDs) sa ilalim ng Bread and Pastry Production samantalang ang ibang grupo ay kumuha ng Driving Certificates.
Lahat sila ay benepisyaryo ng programang “Tulong ng Tekbok sa Pag-angat ng Bangsamoro” scholarship.
Bilang scholarship focal ng naturang programa, sinabi ni Khominie Abas na ang Bangsamoro Government ay committed sa pagtiyak ng pagtataguyod ng inklusibidad sa pamamagitan ng education mantra nitong ‘No Bangsamoro Left Behind’.
“Ang programa natin ay isang manipestasyon ng ating paniniwala sa inklusibong pamamahala na siyang magbibigay katiyakan na lahat ay may access sa mga serbisyo ng gobyerno,” pahayag ni Abas.
Dagdag niya na ang mga PWD na kalimitang nabibilang sa ‘vulnerable sector’ ay hindi lamang basta kliyente kundi isa sa mga pangunahing target ng mga interbensyon.
“Hindi lamang basta kliyente ang mga PWD bagkus sila ang ating target, isa sa mga prayoridad natin,” paliwanag niya, kasabay nito ang kanyang pagpapasalamat sa local government ng Parang kasama ng PWD Affairs Office (PDAO) nito para sa personal na pakikipag-ugnayan at iminungkahing kolaborasyon nito para sa kaugnay na sektor.
Samantala, ibinahagi naman ni PDAO Ramil Mama na ang pagiging visually impaired ang nag-engganyo sa mga nagsipagtapos lalo na ang mga PWD na maging positibo sakabila ng pagkakaroon ng ‘special needs’.
“May pagkakataon para sa atin kaya wag kayong mawalan ng pag-asa,” mariing sinabi ni Mama.
Dagdag pa niya na pinag-iisipan na ng local government ang pagtitipon sa mga nagsipagtapos upang makapagtatag sila ng isang negosyong patatakbuhin ng mga PWD.
Kabilang sa mga nagtapos si Norhata Usman, 32-taong gulang at na-diagnose na may orthopedic disability, na nagbahagi ng kwento ng kanyang pagpupursige.
Aniya, matagal na niyang gusting sumabak sa isang pagsasanay sa pastry production ngunit laging nagiging hadlang ang kanyang kapansanan.
“Ang pagiging isa sa mga nakapagtapos ay malaking tagumpay na para sa akin dahil matagal ko nang pangarap na maging parte ng isang programang kagaya nito,” pahayag ni Usman.
Inamin naman niya na nahirapan siya nung nag-uumpisa pa lang siya sapagkat ang mga proseso sa bread and pastry production ay nangangailangan ng pisikal na lakas, subalit natutunan niya rin at mas naging mas madali ito sakanya nang tumagal na.
Nang matanong patungkol sa pinakamagandang payong maibibigay niya sa ibang mga PWD, sagot niya, “Wag niyong hayaang maging hadlang sa inyo ang inyong kapansanan upang maabot ang inyong mga pangarap.
Maliban sa kanyang interes sa pagbi-bake ay nais din ni Usman na makapasok sa sektor ng edukasyon.
“Naipasa ko ang board exam para sa pagtuturo noong nakaraang taon at talagang gusto kong maging parte ng kaguruan dito sa rehiyon. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)