COTABATO CITY—Inaasahang makakabenepisyo ang mga mahihirap na pamilya sa mga bayan ng Matanog at Parang, Maguindanao del Norte mula sa proyektong pabahay ng Bangsamoro Government matapos ang malagdaan ang kasunduan kasama ang mga local government unit (LGU) noong ika-20 ng Pebrero.
Ayon kay Atty. Aminoddin Barra, Minister ng Human Settlement and Development, ang naturang kasunduan kasama ang mga LGU ng Matanog at Parang ng Maguindanao del Norte ay sumisimbolo umano sa commitment at suporta ng regional government sa paghahandog ng disenteng tahanan para mga mamamayan nito.
Paalala ni Barra, “Ang gobyernong mayroon tayo ngayon ay pagpapatuloy ng jihad na sinimulan ng ating mga Mujahideen.”
Nasa 900 housing units sa loob ng BARMM at 300 para sa labas ng teritoryo nito ang isasagawa ngayong taon.
Ang konstrukyon sa munisipalidad ng Matanog para sa pagpapatayo ng 50 housing units na may entrance archway at isang unit ng solar-powered water system level III ay nagkakahalag ng P43,717,800.00 at popondohan sa ilalim ng Special Developmeny Fund 2022.
Samantala, maglalagak din ng 50-unit resettlement housing project na may kabuuang halagang P38,857,500.00, pondong galing sa General Appropriation Act for Bangsamoro 2024, sa Sitio Malingao, Barangay Nituan, Parang.
Ang mga housing unit sa dalawang proyekto ay may floor area na 48. sq.m at may tatlong kwarto, isang outdoor kitchen, may living-dining area, at isang palikuran.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Zohria Bansil-Guro ng Matanog at Mayor Cahar Ibay ng Parang sa MHSD para sa kanilang makabuluhang suporta at probisyon ng proyektong pabahay para sa kanilang munisipalidad.
“Naniniwala kami na ang tagumpay ng BARMM Government at mga opisyales nito ay tagumpay rin ng mga mamamayan. Malaki ang maitutulong ng housing project sa ating mga kababayan at maitutuloy pa para sa pagpapabuti ng paghahandog ng social services,” sinabi n Guro.
Nangako naman si Mayor Ibay ng kanyang buong suporta sa Bangsamoro Government at nanumpang gagawing prayoridad ang pangangailangan ng mga Bangsamoro.
“Itong project natin, kung ano ‘yung wala diyan—talagang pagsisikapan namin na mapaganda ‘yan,” mariing sinabi ni Ibay. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)