SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Sa pagpapatuloy na matupad ang misyon na makapaghandog ng kalidad na edukasyon, itinurnover ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Government ang two-storey school building na nagkakahalaga ng P20-milyon sa Kibayao High School sa Special Geographic Area (SGA) noong ika-3 ng Nobyembre.
Matatagpuan ang Barangay Kibayao, walong kilometro sa Kanluran ng bayan ng Carmen. Ito ay isang first class na munisipalidad sa Cotabato Province na siyang pinanggalingan ng bayang ito matapos ang matagumpay na plebesito noong 2019.
Ayon kay Abohasim Guiamad, 20-taong gulang at Supreme Student Government President ng benepisyaryong paaralan, lubha silang nagalak dahil sa bago nilang gusali.
Ayon sa kanya, bago ang probisyon ng gusali, normal nang makita ang mga mag-aaral na nagsisiksikan sa mga silid-aralan kung saan ang iba ay nakatayo pa, at mas nagiging mahirap pa ang sitwasyon kapag tag-ulan dahil sa tumutulong ulan mula sa bubong.
Aniya, “Dahil sa bagong gusali, hindi na namin nararanasan ang mga bagay na iyon kaya naman nagpapasalamat kami sa Bangsamoro government para sa pagbibigay nitong pasilidad sa aming paaralan”.
Ang pagpapabuti ng access sa kalidad at holistic na edukasyon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng sistema ng edukasyon ay kabilang sa pangunahing prayoridad ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim.
Inihayag ni MBHTE Deputy Minister Haron Meling sa idinaos na turnover ceremony kung paano naging aktibo ang mga mamamayan sa Kibayao sa pakikibaka ng Bangsamoro para sa karapatan nito sa sariling pagpapasya o right to self-determination. Sinabi niya na bagama’t mahalaga na kilalanin ang mga pagsisikap ng bawat indibidwal para sa magkabahaging tagumpay ng kapayapaan, importante rin na pahalagahan at ingatan ang naturang pasilidad bilang isa sa mga nakamit na bunga ng kapayapaan.
“Nananawagan ako sa lahat na kung maaari ay ingatan ang gusaling ito sapagkat magiging instrument ito sa paghubog ng mga pangarap ng ating mga kabataan,” saad ni Meling.
Dumalo rin sa turnover ceremony sina SGA Development Authority Administrator Butch Malang, SGA Schools Division Superintendent Dr. Edgar Sumapal, at iba pang mga panauhin mula sa MBHTE. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO