SULTAN KUDARAT, Maguindanao del Norte—Nasa 45 kooperatiba ng mga magsasaka sa Special Geographic Area (SGA), Maguindanao del Sur at Norte ang nakatanggap ng rice thresher mula sa Bangsamoro Government sa isang seremonyang isinagawa noong ika-9 ng Mayo sa Simuay ng nasabing bayan.
Ang naturang distribusyon ay kabilang sa suportang pangkabuhayang tinawag na Oplan Bangsamoro Rapid Assistance (OBRA) ng proyektong Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG)—isa sa mga flagship program ni Chief Minister Ahod Ebrahim na nagbibigay ng agarang suporta sa mamamayang Bangsamoro sa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa ilalim ng mga aktibidad ng OBRA, layunin ng nasabing proyekto na makabuo ng mga pangmatagalang interbensyon para sa mga magsasaka at mangingisda kabilang ang quick-response livelihood intervention na tumutugon sa kawalan ng access sa produksyong pang-agrikultura.
Sa pamamagitan ng P7.1-milyong agricultural machinery na ibinigay sa mga kooperatiba, inaasahang mapabubuti ng proyekto ang rice post-harvest processing ng mga benepisyaryo na siyang makatutulong sa buong rehiyon.
Sinabi ni Deputy Project Manager Abobaker Edris at Livelihood Unit Head Mohamad Asnur Pendatun sa isang panayam na ang mga makinarya ay malaki ang magiging pakinabang sa mga magsasaka lalo na sa pagbabawas, kung hindi man maiaalis, sa post-harvest loss.
“Maliban sa pagpapababa ng mga post-harvest loss, mapabibilis din ng makinaryang ito ang pag-aani sapagkat magiging mekanisado na ang paggigiik,” sinabi ni Pendatun.
Habang napapanatili ng BARMM ang posisyon nito sa rice production sa bansa na may kabuuang production volume na 265.6 MT sa 2023, patuloy pa ring nagsisilbing hamon para sa national agricultural sector ang post-harvest losses. Kaya naman nagpapasalamat ang mga magsasaka sa dahil sa natutulungan sila sa pagtugon nito ng BARMM.
Ibinahagi ng chairman ng kooperatiba sa Upi, Maguindanao del Norte na si Onin Benito na ang makatutulong ang naibigay na thresher para sa kanilang pag-ani, lalo pa’t di na gaanong ginagawa ang tradisyunal na pamamaraan ng pag-aani ng palay.
“Ang mga makinaryang ito ay makatutulong na mabawasan ang mga nawawala sa amin tuwing tag-ani,” pahayag niya. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)