MARAWI CITY – Mahigit 1,000 mag-aaral makikinabang mula sa Tuition Fee Subsidy (TSF) ng Office of the Chief Minister-Marawi Rehabilitation Program, na nagkakahalaga ng P7.9 milyon. Nagsimula ang pamamahagi ng subsidy na nakalaan para sa mga internally displaced persons (IDP) at iba’t ibang paaralan noong ika-20 ng Setyembre 2024, kung saan pito (7) sa 11 partner private schools ang tumanggap ng pinansyal na suporta.
Ang inisyatibang ito ay kabilang sa mga kasalukuyang aktibidad ng MRP na masigurong ang mga paraalang lubos na naapektuhan sa Marawi ay makapagpapatuloy pa rin sa pagbibigay ng access sa dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral na apektado ng rehabilitasyon ng siyudad.
Unang nakatanggap ng TFS ang Aba-Alkhail Computer School, Cali Paramedical College Foundation, Inc., Dansalan Polytechnic College, Inc., Jamiatu Dansalan Al-Islamia Foundation, Inc., Jamiatul Philippine Al-Islamia, Inc., Marawi Capitol College Foundation, Inc., at Senator Ninoy Aquino College Foundation Marawi City, Inc. Makatatanggap naman ang natitirang apat (4) ng pribadong paaralan ng subsidiya matapos nilang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Deputy Chief Minister Aleem Ali Solaiman ang mga mag-aaral na tapusin ang kanilang pag-aaral at gamitin nang maayos ang mga educational assistance program ng Bangsamoro Government gaya ng TFS.
“Huwag kayong mawalan ng pag-asa sapagkat mas madali na ngayon makakuha ng mga scholarship at tulong. Pagtuunan ninyo ang inyong pag-aaral. Ipinapanalangin ko sa Allah (swt) na maabot ng bawat isa sa inyo ang inyong mga pangarap, sa paaralan man at sa madrasah,” sinabi ni Deputy Chief Minister Solaiman.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Johari Limbona, isang BS Criminology student mula sa Jamiatul Philippine Al-Islamia, Inc., para sa lahat ng tulong na patuloy na natatanggap ng mga kagaya niyang IDP mula sa Bangsamoro Government.
“Alhamdulillah, mabibigyan kami, na mga estudyanteng IDP, ng pagkakataon na matapos ang aming pag-aaral. Maiibsan nito ang pasanin ng aming mga magulang sa pagbabayad ng school fees,” ani Limbona.
Dumalo rin si Member of the Parliament Said M. Shiek, ang Program Manager ng MRP, sa kaganapan at pinangunahan ang distribusyon ng mga tseke sa mga school head.
Nakapagsagawa na rin ang MRP ngayong taon ng distibusyon ng mga malalaking suplay at kagamitan para sa mga pribadong paaralan, 17 na Islamic educational institution (madaris at toril), at pitong (7) vocational training centers na dating matatagpuan sa mga lubhang apektadong lugar sa siyudad. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)