COTABATO CITY—Sa kabila ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema na naghihiwalay sa Sulu sa Bangsamoro region ay patuloy pa ring makatatanggap ang 5,733 Bangsamorong empleyado sa probinsya ng kanilang sahod para sa 2024, napapailalim sa pagkumpleto ng kinakailangang dokumento, ayon kay Bangsamoro Spokesperson Mohd Asnin Pendatun.
“Natanggap namin ang opisyal na kopya ng desisyon ng Korte Suprema noong ika-16 ng Setyembre, na siyang nagtatakda ng cutoff ng appreciation ng naging desisyon,” sinabi ni Pendatun, na siya ring Cabinet Secretary ng Bangsamoro Government, sa isang eksklusibong panayam.
Noong ika-9 ng Setyembre, napagdesisyunan ng Korte Suprema na ang Sulu ay kailangang maihiwalay sa Bangsamoro region matapos ang resulta ng plebesito noong 2019, kung saan 54% ng probinsya ang nagbigay ng negatibong boto, na nagresulta sa di pagkakasama nito sa autonomous region.
Sa ilalim ng Section 18 Article X ng 1987 Constitution, ang mga probinsya, lungsod, at geographic areas na nagbigay ng ‘YES’ votes sa plebesito, na lumilikha ng isang autonomous region, ang dapat isama sa naturang rehiyon.
“Tinitingnan natin ang pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayang Bangsamoro sa Sulu, na siyang humantong sa ating rekomendasyon na makabebenepisyo ang lahat na kaugnay,” dagda niya.
Ayon sa Spokesperson, ang mga permanenteng empleyado ay makatatanggap ng kanilang sweldo ‘gaya ng dati’, mula ika-1 hanggang 15 ng Setyembre ng kasalukuyang fiscal year.
Gayunpaman, simula ika-16 ng Setyembre, ang parehong permanente at contract of service personnel (COSP) ay kinakailangang sumunod sa napagkasunduang dokumento, na nagsasaad na kung sakaling magkaroon ng disallowance, ang natanggap na sweldo ay dapat na ibalik sa gobyerno.
Binanggit din ni Pendatun na ang mga kontrata ng mga COSP ay kinakailangang ‘binding’ partikular sa regional government.
Patungkol naman sa mga posisyong hindi pa napunan, mananatili itong bakante maliban na lang kung may naibabang utos.
Mga Legal na Panukala
Binigyang-diin ng Bangsamoro Spokesperson na ini-explore ng interim government ang iba’t ibang legal na opsyon, kaugnay sa naging desisyon ng Korte Suprema upang mapanatili ang mga naabot ng Bangsamoro peace process alinsunod sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB)—ang huling kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Philippines at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na siyang nagpatigil sa ilang dekadang armadong pakikibaka ng mga partido.
“Kung mapapansin natin, ‘sa o bago pa ang ika-31 ng Disyembre’ ay binigyang-diin dahil hindi natin inaalis ang posibildad na bago matapos ang 2024 ay magkakaroon ng bagong issuance o panukalang legal,” ibinahagi niya. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)