COTABATO CITY— Mas maraming pabahay para sa mga residente ng Basilan ang inaasahang maipatatayo matapos lumagda sa isang kasunduan ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) kasama ang Local Government Unit (LGU) ng Lantawan noong ika-19 ng Pebrero para sa pagpapatayo ng 50 resettlement housing units.
Pinondohan ang konstruksyon ng 50 housing units ng P41,827,500, kung saan nasa P836,550 ang bawat isa nito, sa ilalim ng General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB) 2024. Ito ay bahagi lamang ng 200 housing units na itatayo sa probinsya sa loob ng taong ito. Ang kabuuang pondo ay inilaan para sa mga LGU ng Akbar, Hadji Mohammad Ajul, Sumisip, at Lantawan.
Ang bawat housing unit ay may sukat na 48 square meters (floor area), na may tatlong kwarto, living at dining area, front port, rear service area, at isang palikuran.
“Gagawa tayo ng paraan upang bawat sulok ng Bangsamoro (region) ay may proyekto. Ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin upang pagsilbihan ang Bangsamoro at Bangsamoro Government,” sinabi ni Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra habang binigyang-diin ang iba’t ibang lokasyon ng proyektong pabahay na natapos na ng Ministry sa rehiyon.
“Hindi lang ito basta katungkulan at pananagutan na sasagutin natin sa harap ng Bangsamoro Government, sa harap ng komunidad ng Bangsamoro, sa harap ng Mujahideen, sa harap ng Chief Minister, kundi sa harap din ng sambayanang Pilipino. Ginagamit natin ang buwis ng mga tao para sa proyektong ito,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ng Ministry, mataas na ang porsyento ng pagkakakumpleto ng mga proyektong pabahay sa Basilan at iniugnay ito sa aktibong pakikipag-ugnayan at pagmo-monitor ng provincial office nito.
“Kung kaya ng ibang munisipyo, bakit hindi ko kaya, diba? […] kayo ang nagiging tulay mula sa BARMM papunta sa amin, kaya bakit naman hindi namin aayusin ito. Masaya ako na babalik sa amin na may dalang pabahay para sa aming mamamayan,” pahayag ni Municipal Mayor Nasser Abubakar, at nangako ng kanyang lubos na dedikasyon sa pagtiyak ng tama at maagang implementasyon ng naturang proyekto.
Kabilang sa target na benepisyaryo ang mga dating combatants, internally displaced persons (IDPs), informal settlers, at iba pang mga nangangailang sektor, ayon sa ulat ng provincial office matapos ang isinagawa nilang mahigpit na validation at assessment.
Plano ng MHSD na maisakatuparan lahat ng mga aktibidad ukol sa paglalagda ng MOA sa loob ng first quarter nitong taon upang mapabilis ang pagkumpleto ng mga kinakailangang dokumento para masimulan ang housing resettlement project para maiwasan ang pagkakaroon ng backlog sa kasalukuyang taon.
Nananatili pa ring prayoridad ng Government of the Day ang pagtugon sa problema ng pagkakaroon ng disente at murang pabahay at pangunahing serbisyo para sa mga Bangsamorong mahihirap at walang tirahan, na naaayon sa 12-Point Priority agenda nito. (Bai Omairah Yusop/BIO)