SHARIFF AGUAK, Maguindanao del Sur — Sa maraming komunidad sa mundo ay kadalasang mga mahihirap na bayan ang nakararanas ng maraming pagsubok pagdating sa pagkakaroon ng ligtas at abot-kayang pabahay. Lalong hindi madali ang pagkakaroon nito dulot ng kahirapan, diskriminasyon, at sistemang di pagkakapantay-pantay.
Karaniwan, ang mga indibidwal na walang kaya sa buhay ang nahihirapang makakuha ng komersyal na pabahay at kahit pa sa mga programang pabahay ng gobyerno na angkop sa kanilang pangangailangan.
Ayon sa tala ng World Bank, nasa 1.2 bilyong indibidwal sa buong mundo ang naninirahan sa substandard na bahay at inaasahang aabot pa ito sa 3 bilyon pagdating ng 2030.
Sa parehong ulat, 70% ng mga Pilipino ang napag-alamang naninirahan sa substandard na mga kabahayan. Habang umabot sa 54% ang antas ng urbanisasyon sa bansa noong 2020, nananatili itong nasa 45% sa Mindanao. Ang 1.75 milyong kakulangan sa kabahayan (2022) ay nangangahulugan ng 11,611 ektaryang lawak ng lupang kinakailangan.
Ayon pa rin sa nasabing ulat, mayroong 6.5 milyong backlog sa pabahay sa Pilipinas noong 2022, at inaasahang tataas ito hanggang sa 22 milyon sa taong 2040. Ito ay nangangahulugan lamang na kinakailangang ng gobyerno na magpatayo ng hindi bababa sa 345,000 housing units bawat taon upang mapunan ang naturang backlog.
Patuloy na binabago ng BARMM ang kundisyon ng pabahay sa rehiyon
Noong ika-4 ng Oktubre ay isinagawa regional government ang ceremonial turnover para sa 150 disenteng pabahay na itinayo sa tatlong magkakaibang munisipalidad sa Maguindanao del Sur: ang Barangay Kuloy, Shariff Aguak; Barangay Nunangen, Datu Angal Midtimbang; at Barangay Sugadol, Datu Abdullah Sangki— kung saan bawat lugar ay may 50 units.
Ginanap ang ceremonial awarding sa Barangay Kuloy at ipagpapatuloy ng KAPYANAN ang pagbisita sa iba pang lokasyon upang igawad ng natitirang housing units.
Ang mga pabahay ay kabilang sa programang Kapayapaan sa Pamayanan o KAPYANAN ni Chief Minister Ahod Ebrahim. Ito ay isa sa kanyang mga flagship program na nakalaan para sa mga pinakamahirap o ‘poorest of the poor’, mga bakwit o internally displaced persons, biktima ng digmaan, indigenous people, at iba pang miyembro ng mga mahihirap na komunidad.
Habang patuloy ang mga pagsubok sa pagkakaroon ng pabahay dulot ng iba’t ibang problema sa lipunan, iba naman ang sitwasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan binibigyan ng regional government ng bagong pag-asa ang mga mahihirap na residente sa pamamagitan ng mga programang pabahay nito.
“Yung bahay na natanggap ko sa BARMM ay naging daan para mabuhayan kami ng pag-asa,” pahayag ni Datu Kong Kamid, isang benepisyaryo mula sa Barangay Kuloy.
Pagsasaka ang pangunahing pinagkakakitaan ni Kamid, 43-taong gulang, na halos hindi sapat upang matustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan. Siya ay may apat na anak at naninirahan sa isang bahay na yari sa mga ‘light materials’, kaya naman lubos siyang nagpapasalamat bilang isa sa mga napiling benepisyaryo nito.
“Masaya po ako dahil buong buhay ko, ngayon lang po ako nakatanggap ng ganitong pabahay,” dagdag niya.
Kabilang naman ang pamilya ng 32-taong gulang na si Darwisa Kamad sa mga agarang lumipat ng tahanan matapos ang turnover. Mayroon siyang anim na anak at kasalukuyang pinagbubuntis ang kanyang ikapitong anak.
Hindi mapigilan ni Kamad ang pagbuhos ng kanyang mga luha sa isang ekslusibong panayam nang ibinahagi niya na ang kanyang pamilya ay walang bahay na matatawag nilang sariling tahanan.
“Wala po kaming bahay Sir, kaya nilipatan na din po namin kaagad itong bahay,” saad niya.
Katulad ng karamihan sa mga benepisyaryo ay pagsasaka rin ang bumubuhay sa pamilya ni Kamid, at katulad din ng iba, halos di sapat ang kanilang kinikita rito.
Bukod sa problema nito sa pagkukunan ng kabuhayan at tirahan ay nahaharap din sa isa pang suliranin si Kamid—isa sa kanyang mga anak ay may kapansanan sa pag-iisip.
Ang core shelter ng KAPYANAN, na pinondohan sa pamamagitan ng Bangsamoro Appropriations Act (BAA), ay may dalawang kwarto, isang banyo, dining area, at maliit na sala, at mayroon ding water system at solar power. Karaniwan sa disenyo ng bagong pabahay ng BARMM ay may tatlong kwarto, ngunit ang istruktura ng pabahay sa mga nabangit na lugar ay kapareho sa mga naunang ipinamahaging core shelter kaya dalawa lamang ang kwarto nito.
Upang matiyak na iingatan ng mga benepisyaryo ang kanilang natanggap na bahay, nagpaalala si KAPYANAN Project Manager Engr. Mohammad Abdullah na magpapatuloy ang kanilang monitoring kahit pa matapos na mai-turn over ang mga ito.
“May mga dedikadong tauhan tayo na masugid na magmomonitor sa mga pasilidad upang masiguro na tutupad sa aming napagkasunduan ang mga benepisyaryo,” sinabi ni Abdullah.
Dagdag pa niya na ang inisyatibong ito ay kabilang sa nilagdaang kasunduan sa pagitan ng KAPYANAN at mga benepisyaryo kung saan malinaw na nakasaad ang wastong paggamit ng core shelters at iba pang mga kondisyon. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)