Bongao, TAWI-TAWI – Nagsagawa ng isang convergence activity ang Office of the Chief Minister (OCM) noong ika-25 ng Mayo sa Tawi-Tawi upang makapagbigay ng tulong sa mga mamamayan ng probinsya bilang isa sa mga commitment nito sa paglalapit ng serbisyo sa komunidad.
Pinangunahan ito ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) ng OCM, kasama ang iba’t ibang ministry at ahensya ng BARMM.
Ipinahayag ni Chief Minister Ahod Ebrahim sa kanyang mensahe ang kagalakan nito na personal mismong madala ang convergence sa mga Bangsamorong nasa Tawi-Tawi, aniya, “Ipinapangako namin na papalakasin pa ang aming programa sa inyo, dahil ang mas malapit na pamahalaan ay mas makapagbibigay ng mas maraming serbisyo”.
“Hindi lamang natin inilalapit ang serbisyo publiko sa inyo, hatid din natin ang makabagong pamamaraan ng pamamahala na nag-ugat sa iisang hangarin natin tungo sa isang progresibo at magandang kinabukasan. Bahagi ito ng pagtatatag ng pundasyon ng ‘Moral Governance’ sa ating mga komunidad,” sinabi ni Ebrahim.
Kasama ang ibang mga opisyales mula sa provincial at regional government, pinangunahan ni Ebrahim at Tawi-Tawi Governor Yshmael “Mang” Sali ang ceremonial turnover ng iba’t ibang proyekto, serbisyo, at programa sa idinaos na convergence activity.
Maliban sa pamamahagi ng 8,000 sako ng bigas, nag-organisa rin ang Project TABANG ng distribusyon ng mga gamot at medical supply sa ilalim ng inisyatibang “TABANG sa Bawat Barangay” na isinagawa sa Amirbahar Gymnasium, Bongao, Tawi-Tawi noong ika-24 ng Mayo. Sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health and the Integrated Provincial Health Office ng Tawi-Tawi ay nakabenepisyo sa medical outreach program ang nasa 836 indibidwal mula sa maraming komunidad.
Ang tagumpay ng nasabing convergence activity ay nagpapakita ng dedikasyon ng BARMM government na maisagawa ang “Serbisyo ng Bangsamoro abot-kamay ng mamamayan”. Sa pagpapatuloy ng pagsisikap ng BARMM, nananatili itong nakatuon na maisagawa ang pangako nitong makapagbigay ng direkta at agarang tulong sa mga grassroot constituent nito. (Laila Aripin, Bai Omairah Yusop/BIO)