COTABATO CITY—Nagbigay ang Ministry of Science and Technology (MOST) ng Bangsamoro Government ng cash grant na may kabuuang halagang P11,600,000 sa 290 iskolar ng Bangsamoro Special Assistance for Science Education (BSASE) noong ika-20 ng Hunyo 2024.
Layunin ng BSASE scholarship grants ng MOST BSASE na masuportahan ang pag-aaral ng mga mahuhusay na indibidwal mula sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Binigyang-diin din ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim ang kahalagahan ng edukasyon sa pagtataguyod ng siyensya, teknolohiya, at pagbabago, at sinabi na mahalaga ito sa pag-unlad ng ekonomiya at produksyon mga Science and Technology professionals.
“Mariing naniniwala ang Bangsamoro Government na ang edukasyon ay mahalaga para sa patuloy na pagsulong at pag-unlad sa siyensya at teknolohiya. Ito ay isang makina para sa pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagsusulong ng siyensya, teknolohiya, at pagbabago at makagawa ng S&T professionals,” sinabi ni CM Ebrahim.
Nagbigay-payo naman si MOST Minister Engr. Aida Silongan sa mga grantees na gamitin ang kapangyarihan ng agham upang mahubog ang mga buhay at hinaharap ng Bangsamoro.
“Ang inyong paglalakbay ay magsisimula sa paggamit ng kapangyarihan ng agham na mahubog ang mga buhay at hinaharap ng Bangsamoro. Naniniwala kami sa inyo na magbibigay sa amin ng mas maliwanag na bukas. Nawa’y mapuno ang inyong paglalakbay ng inspirasyon at tagumpay,” saad ni Silongan.
Ang unang batch ng grantees ay nakatanggap ng P40,000.00 para sa unang semester ng 2024 academic year (Enero hanggang Mayo). Makatatanggap din sila ng P8,000.00 kada buwan sa susunod na semester.
Ang mga mag-aaral sa kolehiyo, na kumukuha ng kursong kaugnay sa agham at teknolohiya, ay nag-aplay sa Office of Members of Parliament na pinangasiwaan ng MOST.
Samantala, makatatanggap din ng grants at manunumpa ang pangalawang batch ng grantees mula sa Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Ngayong taon, nasa kabuuang 400 grantees ay makabebenepisyo mula sa BSASE Scholarship Program. Naglaan ang MOST ng P33,000,000.00 para sa 2024 scholar grants sa ilalim ng BSASE GAAB, na kasamang sinimulan ng mga Members of Parliament.
Sa pamamagitan ng pagsusuporta sa mga mag-aaral na Bangsamoro na maging mahusay sa agham at teknolohiya, hinihikayat ng MOST ang mga mag-aaral na ito na manguna sa hinaharap na maisulong ang makabagong ideya, pananaliksik, at teknolohiya.
Binabati rin ng ministry ang mga grantees sa kanilang pagpupursige tungo sa akademiko at propesyunal na tagumpay. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop na may ulat mula sa MOST)