COTABATO CITY— Inaasahang mas mapabubuti ang access sa malinis at ligtas na suplay ng tubig sa mga bayan ng Kapai at Pualas, Lanao del Sur matapos lumagda ang Bangsamoro Government at mga local government unit (LGU) sa isang kasunduan noong ika-21 ng Pebrero para i-upgrade ang sistema ng patubig.
Nakasaad sa memorandum of agreement (MOA) ang magkabahaging katungkulan upang maipatupad ang dalawang proyekto: ang Kapai-Maraw City-Tagoloan Level III Water Supply System Phase 1 at Pualas Climate Resilient Level III Water Supply System with Treatment Facility.
Naniniwala si BARMM Senior Minister Abunawas Maslamama na ang mga naturang proyekto ay makatutulong sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng maraming mamamayang Bangsamoro sa Kapai at Pualas.
“Lubos ang dedikasyon ng BARMM Government sa pakikipagtulungan sa mga LGU upang maabot ang magkabahaging layunin na makapagbigay ng access sa malinis at ligtas na tubig para sa lahat. Mayroon itong malaking epekto sa mga komunidad, at nais natin na maipatupad ang kaparehas na proyekto sa ibang LGU,” dagdag niya.
Samantala, binigyang-diin naman ni Engr. Moharijin Ali, ang Project Manager ng Special Development Fund (SDF), ang kahalagahan ng matinding koordinasyon sa kaunlaran ng mga komunidad na naapektuhan ng kaguluhan.
“Mahigpit naming tututukan sa SDF-PMO ang pag-usad ng mga proyektong ito at magbibigay rin ng technical assistance upang matiyak ang wasto at napapanahong implementasyon nito,” sinabi niya.
Nagpasalamat din si Mayor Amanoden Ducol ng Pualas at Municipal Mayor Aida Gauraki ng Kapai sa suporta ng BARMM government, at kinilala ang magandang epekto ng pagbabago sa bayan, lalo na ekonomiya ng probinsya.
“Salamat sa inyong suporta at pagtitiwala, matatamasa na rin ng bayan ng Pualas ang pagkakaroon ng water supply system na ito,” ayon kay Ducol.
Ang pagtutulungang ito ng BARMM at LGU ay nagpapakita ng isang tagumpay sa pagbibigay ng makabuluhang serbisyo at pagpapalawig ng kaunlaran sa rehiyon.
Isa ang SDF sa nagbibigay ng agarang alokasyon upang mapondohan ng BARMM ang prayoridad na development program at project sa ilalim ng Bangsamoro Development Plan ng Government of the Day. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO)