Jolo, Sulu—Bilang hakbang tungo sa pagsusulong ng positibong pakikilahok ng mga kabataan sa lipunan, tatlong sektor ng Bangsamoro government ang nagtutulungan upang makapagpatayo ng isang youth development center sa probinsya.
Noong ika-18 ng Hunyo ay pinangunahan ng Special Development Fund Project Management Office (SDF-PMO) ang paglalagda ng isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Office of the Chief Minister (OCM), Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), at Bangsamoro Youth Commission (BYC) sa Bangsamoro Government Center (BGC) sa Cotabato City.
Layunin ng nasabing kolaborasyon, na pinondohan sa ilalim ng FY 2022 SDF, na makapagtatag ng isang Provincial Youth Training and Development Center sa Sulu upang masuportahan ang mga kabataang Bangsamoro na magkaroon ng makabuluhang kasanayan, kaalaman, at mga katangiang angkop para maging isang lider.
Binigyang-diin ni SDF-PMO Deputy Project Manager on Planning and Coordination and Bureau Director ng Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA) Melanie Indar ang pagkakaisa at kolaborasyon ng iba’t ibang ministry, opisina, at ahensya ng BARMM sa paggabay sa mga kabataang Bangsamoro tungo sa isang holistic na edukasyon at tagumpay sa kanilang mga gagawin sa hinaharap.
“Ang kasunduang ito ay sumisimbolo sa kolaborasyon at sa mga natatanging tagumpay na maabot lamang kapag tayo ay nagtutulungan,” sinabi ni Indar.
Dagdag niya na kapag nakumpleto ang nasabing pasilidad ay di lamang nito matutugunan ang mga agarang pangangailan ng mga kabataan, subalit makakapaglatag din ng pundasyon para sa pangmatagalang kaunlaran at kasaganaan sa ating rehiyon.
Binanggit ni MHSD Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra ang mas malawak na papel ng ministry sa pagpapaunlad ng BARMM na higit pa sa proyektong pabahay nito, at ipinahayag ang kontribusyon nila sa paggabay sa mga kabataan sa pamamagitan ng training center.
“Hindi lamang gusali ang ipinapatayo ng MHSD, nagagalak kami na may nagagawa kami upang makagawa ng isang training center na makagagabay sa ating kabataan,” saad ni Barra.
Samantala, binigyang-diin naman ni Senior Minister Abunawas Maslamama ang kahalagahan ng naturang kasunduan sa pagtutukoy ng mga tungkulin ng mga opisinang kaugnay sa pagpapatupad ng proyekto.
Ipinaliwanag din ni BYC Commissioner Nasserudin Dunding ang kahalagahan ng inisyatiba sa pagpigil sa posibleng recruitment sa mga kabataan ng mga marahas na extremist.
Ang konstruksyon ng Provincial Youth Training and Development Center sa Sulu ay nagpapakita sa commitment ng BARMM na mabigyan ang kabataang Bangsamoro ng holistic na edukasyon bilang paghahanda sa mas magandang Bangsamoro region. (Alline Jamar M. Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa SDF-PMO)