COTABATO CITY—Napanatili ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagiging top fish producer nito sa bansa matapos makapag-ambag ng 31.6% sa kabuuang produksyon ng isda sa unang quarter ng 2023.
Ito ay base sa Fisheries Situationer na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong ika-29 ng Hunyo.
Pumangalawa sa BARMM ang Region 9 (Zamboanga Peninsula) na may 11.6%, kasunod ang Region 3 (Central Luzon) na may 10.8%, at ang Region 4 (CALABARZON) na may 8.6% na produksyon ng isda sa unang quarter.
Naniniwala si Pendatun Patarasa, Director-General for Fishery Services ng Ministry of Agriculture, Fishery and Agrarian Reform (MAFAR), na ang pagiging top producer ng BARMM ay dahil sa mas pinalakas na kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno, pribadong sektor, mga mangingisda, at iba pang mga pangunahing stakeholder.
“The factors in sustaining the fisheries production increase are the continuing technical assistance and capacity building, provision of appropriate production support on capture, aquaculture, and post-harvest and marketing to the fisherfolk, and strengthened the Fishery Regulatory, Quarantine, and Law Enforcement across the region,” pahayag ni Patarasa.
Ayon pa sa kanya, upang mapanatili ang naabot na tagumpay na ito sa fisheries sector ay kailangang mas paigtingin pa ng MAFAR ang implementasyon ng mga plano at programa nito upang mas makatulong pa sa pagpapabuti ng ekonomiya ng BARMM, pagtaas ng kita ng mga mangingisda, at pagkamit ng ang isang ‘food secure Bangsamoro region’.
Nakapagtala ang BARMM ng pinakamataas na fishery production sa buong Pilipinas sa magkasunod na taon ng 2021 at 2022. Ito ay nakapagbigay din ng sapat na kontribusyon sa fisheries sector sa 2022, na siyang pinakamataas na paglago na may ng 30.57% at 41.27% na bahagi sa kabuuang fisheries at aquaculture production volume sa bansa.
Samantala, dahil sa pagtaas sa produksyon na ito, ang fisheries sector ng bansa ay nakapagtala ng bagong pinakamataas na paglago na nasa 2.6% sa production volume mula pa noong 2010. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)