COTABATO CITY—Nananatili pa ring ‘top fish producer’ sa buong bansa ang BARMM sa 2nd Quarter ng 2023, ayon sa inilabas na Fisheries Situation Report ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong ika-15 ng Agosto 2023.
Nakapagtala ang Bangsamoro region ng 31.4% o 340.33 metric tons (MT) ng kabuuang produksyon ng isda, dahilan kaya ito naging top producer sa bansa.
Sumunod sa BARMM ang Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 3 (Central Luzon), Region 6 (Western Visayas), at Region 4B (MIMAROPA), na nakapag-ambag ng 13.8%, 9.4%, 8.7%, at 7.0%, ayon sa pagkakasunod-sunod.
“Nakikita namin ang mahalagang kontribusyon ng Ministry sa tagumpay na ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t-ibang programa at proyekto na siyang nagpabuti sa produktibidad at sustainability ng fisheries resources sa buong rehiyon,” pahayag ni Pendatun Patarasa, director-general ng BARMM para sa fishery services.
Ayon kay Patarasa, tinitiyak ng Ministry ang kalidad at kaligtasan ng mga isda at iba pang produktong galing dito sa pamamagitan ng quarantine at inspection services, laboratory services, at pagsusulong ng post-harvest technology.
“Kami ay committed sa patuloy na paghahatid ng serbisyo ng gobyerno upang masuportahan ang pag-unlad ng sektor ng pangisdaan, at makapagbigay ng seguridad sa pagkain, at oportunidad sa kabuhayan para sa mga mangingisda sa rehiyon,” dagdag niya.
Sa ngalan ni MAFAR Minister Mohammad Yacob, nagpasalamat din ang Director-General sa mga partners at stakeholders ng Ministry na naging katuwang nila sa pagbibigay ng serbisyo, pamamahala, pagkokonserba, at pagpo-protekta ng fisheries resources.
“Higit sa lahat, inihahandog namin ito sa mga Bangsamorong mangingisda na naging bahagi ng responsable at sustainable na pangingisda at aquaculture [at kung sino pang mga karapat-dapat na makatanggap ng pagkilalang ito] dahil ang BARMM ay hindi lang tungkol sa kung sino ang nagtrabaho, kundi tungkol sa mga mamamayang Bangsamoro,” pagbibigay diin ni Patarasa.
Mula 2021 ay nangunguna na ang BARMM sa produksyon ng isda, na nasa 4.25 million metric tons. Noong 2022 naman ay nakapagtala ang BARMM ng 1.319 million metric tons, na katumbas ng 30.41% ng kabuuang produksyon ng bansa.
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ika-29 ng Marso, ang Bangsamoro Government, sa pamamagitan ng MAFAR, ay patuloy ang dedikasyon sa pagpapataas ng kabuuang fisheries production ng bansa ng 10%.
Ang pagpapalago at pagpapaunlad ng sektor ng agri-fishery ng BARMM ay isa sa enhanced 12-Point Priority Agenda ng Government of the Day sa taong 2023-2025. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)