COTABATO CITY—Natuldukan na ang limang taong sigalot sa lupa sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur, matapos ang matagumpay na interbensyon ng Bangsamoro Government.
Sa isang reconciliation ceremony na isinagawa noong ika-9 ng Enero dito sa lungsod, naresolba ng Peace, Security, and Reconciliation Office (PSRO) ng BARMM ang dating hidwaan na nagdulot ng pagkawala ng buhay sa mga pamilya ng Bacana, Dimaagil, at Masdal.
Binigyang-diin ni PSRO Director Anwar Alamada na nagdudulot ang mga ‘rido’ o alitan ng mga angkan, ng malaking hamon sa pamahalaan at nakaapekto sa normal na pamumuhay sa komunidad.
“Mayroon tayong programa para sa agarang pagreresolba ng alitan, kung may alitan mang magsimula, kaagad nating susubukan na mapigilan ang paglala nito. Susubukan nating mapahupa ito hanggang sa ito ay maresolba,” sinabi ni Alamada.
“Ang pangalawang programa natin ay pangmatagalan, gaya ng peace education. Sinusuportahan natin ang school of peace and democracy para sa ating mga BIAF commander. Sinusuportahan natin ang mga inisyatibang kagaya ng School of Peace and Democracy para sa ating mga BIAF commander,” dagdag niya.
Aniya, pinaiigting din nila ang mga ‘information campaign’ patungkol sa epekto ng mga alitan.
Kinilala rin ni Alamada ang suportang natanggap mula sa mga community-based resilience program mula sa mga civil society organization, non-governmental organization, at local government unit.
Lumagda naman ang mga nagkaayos na pamilya sa isang kasunduang pangkapayapaan sa presensya ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) Chairman Butch Malang at iilang Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) commander.
Sila ay nanumpa sa harap ng mga asatidh, na sumisimbolo sa kanilang dedikasyon sa pagtupad ng kasunduan.
Noong 2023, nakapagresolba ang PSRO ng 27 kaso ng mga maliliit at malalaking rido at nakapagtatag ng isang mekanismo para sa peace monitoring upang maiwasang maulit ang kaguluhan.(Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)