COTABATO CITY— Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Cooperative and Social Enterprise Authority (CSEA) at Bangsamoro Youth Commission (BYC) upang gawing pormal ang kanilang pagsasamahan at pagtutulungan sa paglulunsad ng isang peace initiative para sa mga kabataang Bangsamoro bilang bahagi ng second phase ng Positive Peace Project (3Peace) ng BYC, noong ika-3 ng Mayo 2023.
Lumagda sa nasabing kasunduan sina BYC Chairperson Marjanie Mimbantas Macasalong at CSEA Executive Director Samcia Ibrahim, na magsisilbing daan sa pagbabalangkas ng policy papers para mapangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga batang ‘combatants’ o mandirigma at maitaguyod din ang kanilang mahalagang papel bilang mga katuwang sa pagkamit ng mga pangarap at adhikain ng Bangsamoro Government.
Ayon kay Ibrahim, sinisikap ng CSEA na mapalakas ang mga anak ng mga dating mandirigma sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng kooperatiba na laan para sa kanila at mabigyan sila ng angkop na pagsasanay na naaayon sa napili nilang negosyo upang matulungang mapabuti ang kanilang kabuhayan.
“CSEA will do its mandate and that is to help empower the Bangsamoro youths especially the children of the combatants by organizing them into cooperatives and providing them with the right training related to their selected business operation that may serve as an instrument for them to uplift their living conditions,” pahayag ni Ibrahim.
Dinaluhan din ni BYC Maguindanao-Cotabato-Special Geopgraphic Areas Commissioner Nasserudin Dunding at CSEA Cooperative Development Division Chief Hayat Pilas ang nasabing MOU signing.
Inaasahang magiging mahalagang hakbang ang nasabing partnership sa pagsusulong ng kapayapaan at social stability sa Bangsamoro Region, na magkakaroon ng positibong epekto sa mga kabataan sa rehiyon. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa CSEA-BARMM)