ILIGAN CITY—Opisyal nang pinasinayaan ang isang digital center sa pakikipagtulungan ng Ministry of Interior and Local Government (MILG) sa United Nations Development Program (UNDP) noong ika-31 ng Mayo, na naglalayong mapagtibay pa ang koordinasyon ng mga LGU at ng regional government, at mapalakas pa ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng e-governance.
Isinagawa ang launching ceremony ng Digital Bangsamoro Center sa municipal hall ng Piagapo, Lanao del Sur, na dinaluhan naman nina Vice Governor Mohammad Khalid Adiong, UNDP Resident Representative Dr. Selva Ramachandran, at Mayor Ali Sumandar.
Ayon pa kay Fausiah Abdula, Operations and Management Director ng MILG, magsisilbing daan ang Piagapo Data Center para sa pag-access ng mga impormasyon mula sa regional government sa tulong ng MILG.
Mas mapapadali na rin ang pag-access ng Bangsamoro community sa mga impormasyon at serbisyo, kasama rito ang streamlined digital processes sa pagkuha ng business permits at Civil Registration documents.
“Itong Piagapo Data Center kung saan lahat ng information nanggaling sa regional government thru the MILG ay maaari nilang ma-access anytime. For example, may mga issues gusto nila i-raise sa region and vice versa ay madali na lang po ang tapunan ng information,” sinabi ni Abdula.
Dagdag pa niya ay na nais din nilang i-showcase ang mga natatanging produkto ng bawat LGU, gaya ng cassava crackers, kape, at iba pa.
Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat si Mayor Ali Sumandar sa Bangsamoro Government at UNDP, aniya “we are very much happy kasi kami ang pinaka-unang nabigyan ng LeAPS program which is initially magbibigay tayo ng dalawang services sa ating mga constituents like birth certificates and business permits.”
Nakatakdang isasagawa ang susunod na launching event sa munisipyo ng Butig sa kaparehong probinsya sa darating na Hunyo nitong taon.
Matatandaang mula 2020 pa lang ay sinimulan nang ipatupad ang programang Localizing e-Governance for Accelerated Provision of Services (LeAPS) sa rehiyon sa tulong ng UNDP.
Layon nitong ma-localize ang e-Governance upang mas mapabilis ang paghahandog ng mga serbisyo at mas mapabuti ito para sa mga mamamayan ng Bangsamoro. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)