COTABATO CITY — Noong ika-4 ng Agosto ay nag-courtesy visit si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian kay Bangsamoro Government Chief Minister Ahod Ebrahim upang ipakilala ang Food Stamp Program (FSP), ang pinakabagong interbensyon ng national government upang labanan ang kagutuman.
Layunin ng programa na makapagbigay ng tulong pangkain sa 1-milyong pamilya na masasabing “food-poor” ayon pa sa depinisyon ng Philippine Statistics Authority (PSA). Bawat pamilya ay mabibigyan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na may food credit na nagkakahalaga ng P3,000.
Sinabi ni Sec. Gatchalian na ang FSP ay isang paraan upang mabawasan ang gutom at kahirapan ng mga mahihirap na pamilya at bulnerableng sektor.
“Sa electronic benefit card, hindi po cash ang matatanggap nila pagkat sa card nakapag-figure ito ng food credits […] bibigyan natin sila ng food credits,” ani Gatchalian.
Para sa pilot implementation ng programa mula Oktubre 2023 hanggang Marso 2024, isa ang BARMM sa limang pilot sites na napili ng DSWD. Kabuuang 600 na pamilya mula sa rehiyon ang inaasahang makakabenepisyo rito.
“Nakikita natin na ang programang ito ay magiging makabuluhan, sapagkat tina-target nito hindi lamang ang mga basic needs ng mamamayan kundi pati na rin ang higit nilang pangangailangan,” saad ni CM Ebrahim.
Makikipag-ugnayan naman ang DSWD sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) para sa pagpili ng mga unang benepisyaryo sa BARMM.
Dumalo rin sa courtesy visit sina DSWD Undersecretary Alan Tanjusay at Assistant Secretary Baldr Bringas, DSWD XII Director Loreto Jr. Cabaya, BARMM Senior Minister Abunawas Maslamama, MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie, at World Food Program Deputy Country Director Dipayan Bhattacharyya. (Myrna S. Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)