COTABATO CITY—Pormal nang pinasinayaan ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Marawi City ang bagong tayong agricultural food terminal na dinisenyo upang mas mapalago at mapasigla ang kabuhayan sa lugar.
Ito ay bilang tugon sa biglang paglaho ng maraming negosyo dahil sa pinsalang natamo ng lungsod buhat sa paglusob ISIS-inspired group sa lungsod noong 2017.
Itinurn over nina BARMM Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform Minister Mohammad Yacob ang pasilidad kay City Mayor Majul Gandamra sa isang pormal na seremonya noong ika-8 ng Mayo matapos itong makumpleto bilang bahagi ng complementary assistance ng regional autonomous government para sa rehabilitasyon at pagbangon ng nag-iisang Islamic city sa bansa.
Ayon sa ipinakitang datos ng regional bureaucracy, matatandaang naglabas ng pondo ang pamahalaan ng BARMM para sa muling pagpapatayo ng mga basic infrastructures sa lungsod. Kasama rito ang Php400-milyong water supply systems sa buong lungsod hanggang sa ilang housing units na ipinatayo para sa mga residenteng lumikas.
Muling ihinayag ni Minister Yacob noong ika-8 ng Mayo sa isang ginanap na simbolikong seremonya ang ang di natitinag na dedikasyon ni BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim sa pagpapatuloy na pagbibigay tulong upang muling makabangon ang naturang lungsod buhat sa sumiklab na gulo at bakbakan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at magkahalong armadong militante ng Dawla Islamiya, partikular ang Ghuraba (Maute bloc) at Abu Sayyaf Group.
Pinuri rin ni Minister Yacob ang mga project contractor, Task Force Bangon Marawi, at ang lokal na pamahalaan para sa kanilang pagsisikap na agarang makumpleto ang pagtatayo ng agricultural food terminal at Barangay Poblacion.
“I would like to thank all the people behind the success of this project, especially the participation of the city mayor as the counterpart of the project,” pasasalamat niya.
Binigyang-diin ni Yacob na ang proyekto ay parte ng “priorities of the administration of Chief Minister Ebrahim” para sa muling pagbangon ng lungsod.
Bilang tugon ay naghayag ng pasasalamat si Mayor Gandamra para sa suporta na ibinigay ng MAFAR, kung saan sinabi ng opisyal na ang pasilidad ay tiyak na mapakikinabangan ng kanilang mga mamayan.
Nagbalik-tanaw din siya sa mga hamon na pinagdaanan ng lungsod partikular na ang paglikas ng maraming negosyante buhat ng kaguluhan noong 2017.
“You all know what happened in Marawi City before that resulted in the displacement of several business persons,” saad ni Gandamra.
“This is what we need to complement the existing infrastructure like this provision of Marawi City Agriculture Food Terminal,” dagdag niya. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop / BIO na may ulat mula sa MAFAR)