JOLO, Sulu – Nagpahayag ng buong suporta sa pagpapatupad ng Bangsamoro Regional Action Plan on Women, Peace, and Security (RAPWPS) 2023-2028 si Governor Abdusakur Tan ng probinsya ng Sulu.
Ang RAPWPS ay isang joint program ng Bangsamoro Women Commission (BWC), United Nations Development Programme (UNDP), at ng United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women (UN Women) na naglalayong tugunan ang mga isyu at problemang kinakaharap ng mga kababaihang apektado ng kaguluhan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Noong ika-18 ng Setyembre ay nag-courtesy visit sina BWC Chairperson Bainon Karon, kasama sina Commissioners Nurunnihar Mohammad ng Sulu at Faija Taalil ng Basilan, kay Gov. Tan.
Kabilang din sa delegasyon ng BWC ang mga kinatawan mula sa UNDP na pinangunahan ni Judith de Guzman at UN Women na pinangunahan naman ni Gilbert Guevarra.
Nagpahayag si Governor Tan ng buong suporta para sa RAPWPS at nangakong mahigpit na makikipag-ugnayan sa BWC para sa pag-iimplementa ng nasabing action plan. Binigyang-diin niya na mas mainam ding makipagtulungan sa Sulu Provincial Women Council (SPWC) dahil naaayon din ang kanilang mga tungkulin.
“Nagagalak kami sa pagpunta rito ng Bangsamoro Women Commission, UNDP at UN Women, at susuportahan natin sila, basta ito ay maidulog sa ating Sulu Provincial Women Council, kasi ang SPWC ay isang pederasyon ng mga organisasyon ng mga kababaihan sa buong probinsya. Kaya, ito ay lahat ginagawa nila. Una nag-aalaga ng mga kababaihan, at lalo na ang mga kasong VAWC (violence against women and children),” sinabi ni Tan sa isang eksklusibong panayam.
Nagpasalamat naman si Chairperson Karon kay Governor Tan sa ibinigay niyang suporta at binigyang-diin ang kagalakan ng Commission sa pakikipagtulungan nito sa provincial government ng Sulu.
“Inaasahan namin ang pakikipagtulungan sa inyo para sa pagkakaroon ng daan tungo sa kapayapaan para sa pamahalaan ng Sulu,” saad ni Bainon.
Nakatanggap din ng suporta mula sa UNDP at UN Women ukol sa pagpapatupad ng RAPWPS. Anila mahalaga ang pagtitiyak na ang naturang action plan ay inklusibo at tumutugon sa mga kailangan at alalahanin ng mga kababaihan, kabilang ang mga mula sa mahihirap na komunidad.
Maliban pa rito ay tumanggap din ang BWC ng buong suporta at pag-endorso ng iba’t ibang organisasyon, kabilang ang SPW at sektor ng kababaihan sa Sulu, nang ang Commission ay nag-courtesy visit rin kay SPWC President Hja. Nurunnisah Abubakar-Tan noong ika-19 ng Setyembre.
Dahil sa mga natanggap na suporta ay hindi malabong maabot ng BWC ang mga layunin nito at makatulong sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at progreso sa Bangsamoro region.
Ang RAPWPS ay unang inilunsad sa BARMM noong Oktubre 2020 bilang parte ng commitment nito sa pagpapalakas at pagprotekta sa mga karapatan ng bawat babae at bata sa rehiyon. Hangarin nito na makapagbigay ng framework para sa pagpapapataas ng partisipasyon ng mga kababaihan sa pag-iwas at pagresolba sa kaguluhan, at pagtataguyod ng kapayapaan sa bansa. (Alline Jamar Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)