COTABATO CITY—Nagdulot ng tuloy-tuloy at malakas na ulan ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at ang paparating na La Niña sa apat na probinsya ng Bangsamoro region, ayon sa Ministry of the Interior and Local Government (MILG).
Binigyang-diin ni MILG Chief Emergency Operation Officer Jofel Delicana ang naging resulta ng isang linggong pagbuhos ng malakas na ulan, na nagdulot ng flash flood at landslide sa mga probinsya ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Maguindanao del Sur, kabilang din ang Special Geographic Areas (SGA) at mga lungsod ng Lamitan at Cotabato, noong ika-18 ng Hulyo 2024.
Dagdag pa rito, 43 munisipalidad at nasa 441 barangay ang naapektuhan din sa buong rehiyon.
“Gamit ang aming siyentipikong datos, mamo-monitor din natin ang La Niña,” sinabi ni Delicana. Ayon sa PAGASA ENSO alert system, ang ating climate model ay nagpapakita ng 70 porsiyentong pagkakataon ng pagkakabuo ng La Niña sa Agosto hanggang Setyembre, ibig sabihin higit sa karaniwang buhos ng ulan.
“Kung mayroon tayong weather system na nagdudulot na ng pagbaha, at pumasok pa ang La Niña, asahan na natin ang mas malakas na pag-ulan. Ito ay magpapalala sa pagbaha at iba pang mga kaakibat na panganib gaya ng landslide,” dagdag niya.
Ayon din kay Delicana, ang La Niña ay tinatayang mas magiging malakas ngayong taon, at ang mas matagal na pag-ulan ay magreresulta sa mas mataas na water level. Dahil sa epekto ng climate change, tuwing may La Niña, ang water level ay mabilis na tumataas, na siyang nagdudulot ng pagbaha at flash flood.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pamimigay ng relief assistance ng BARMM sa mga lubhang naapektuhang komunidad sa pamamagitan ng koordinasyon ng disaster response clusters at ng emergency operation center.
Tinitiyak ng naman ng Ministry na ang relief goods, parehong food at non-food items, ay direktang naibibigay sa tamang benepisyaryo o komunidad.
Bilang antisipasyon ng weather system na patuloy na magdadala ng malakas na ulan, na nagdudulot ng pagbaha at landslide, hinihimok ng BARMM government ang mga local government units (LGUs) na gumamit ng mga mekanismong katulad ng pre-disaster risk assessment upang matukoy ang tamang protocol. Gagabayan ng LISTO programs ng DILG at MILG ang mga LGUs at komunidad.
Pinapaalahanan ng komunidad na maghanda, sumunod sa direktiba ng LGU, at magkaroon ng Go Bag ready. Dapat napapaloob dito ang mga importanteng dokumento, damit, pagkaing easy-to-open, malinis na inuming tubig, hygiene kits, at mga gamot na tatagal ng di bababa sa tatlong araw. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)