SPECIAL GEOGRAPHIC AREA— Nasa kabuuang 221 na benepisyaryo ng programang Bangsamoro technical-vocational scholarship ang tumanggap ng kanilang ‘certificate of training’ noong ika-21 ng Setyembre, sa graduation ceremony na isinagawa sa Barangay Tumbras sa Midsayap Cluster ng Special Geographic Area (SGA).
Ayon sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education – Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD) Maguindanao Provincial Office, limampu (50) sa mga nagtapos ay out-of-school youth. Lahat sila ay benepisyaryo ng “Tulong ng Tekbok sa Pag-angat ng Bangsamoro” scholarship program.
Ibinahagi ni Maguindanao TESD Provincial Director Salehk Mangelen na tiniyak nila na kabilang sa benepisyaryo ng kanilang programa ang mga out-of-school youth (OSY) o mga Kabataang hindi nakapag-aral.
“Kailangan tayo ng ating mga kabataan lalong lalo na ang mga OSY natin, kaya kasama natin sila sa ating community-based programs,” sinabi ni Mangelen.
Aniya, sa direktiba ni Chief Minister Ahod Ebrahim na ilapit ang gobyerno sa mga mamamayan, sinisiguro nila na bawat indibidwal sa ilalim ng kanilang pamamahala ay magkakaroon ng access sa mga serbisyo ng gobyerno.
Ibinahagi ni Mangelen na bago pa man maitatag ang BARMM ay halos walang access sa mga programang TESD ang mga nakatira sa mga liblib na lugar.
Ngunit sa bagong autonomous government na nakasentro ang administrasyon sa ‘moral governance’ ay nagawa nilang maabot at makapaghatid ng serbisyo sa mga malalayong lugar sa pamamagitan ng kanilang ‘community-based training’.
Pinakahulugan ng Bangsamoro Autonomy Act No. 13 o Bangsamoro Administrative Code ang ‘moral governance’ bilang “hanay ng mga tuntunin, gawain, at prosesong walang bahid ng katiwalian at korapsyon, at lubos na ginagabayan ng mga moral na prinsipyo ng ganap na dedikasyon, debosyon, katapatan, hustisya, at integridad”.
Isa ang dalawampu’t limang anyos na si Araña Kanon sa mga nakapagtapos ng National Certificate II sa Agricultural Crops Production mula Hunyo 12 hanggang Agosto 28, 2023.
“Tinuruan po kami ukol sa sistema ng pagsasaka kung saan nakabatay ito sa siyensya,” pahayag ni Kanon.
Ipinanganak at pinalaki ng pamilyang pagsasaka ang pinagkakakitaan, sinabi ni Kanon na lubhang nakatulong sakanya ang programa sa pag-intindi ng mga prinsipyo ng agricultural crops production na nakabase sa siyensya.
“Sa ALS (Alternative Learning System) lamang din po ako nakapagtapos ng sekundarya kaya malaking tulong po itong programa,” dagdag nito.
Lumaking may labing-isang (11) kapatid, sinabi ni Kanon na wala ni isa sakanila ang nakapagtapos ng kahit anong kurso. Dahil sa kahirapan ay hindi nakapagtapos ang ilan sa mga kapatid nitong nakatuntong sa kolehiyo.
Sakabila ng kahirapan ay nagpapasalamat pa rin si Kanon para sa mga oportunidad na ibinigay ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim (BARMM) government sa kanilang komunidad.
“Nang nagkaroon ng BARMM, mas madali na po kami maka-avail ng serbisyo ng gobyerno. Katulad po ngayon, andito na po mismo sa lugar namin yung learning center,” dagdag pa niya.
Ayon sa ipinamigay na handout ng TESD ay tatlong local learning centers sa komunidad ang nagtulungan upang maisakatuparan ang tech-voc training.
Ang tatlong learning center na ito ay nag-alok ng mga sumusunod na kurso: Agricultural Crop Production II, Masonry II, Carpentry II, Electrical Installation and Maintenance II, at Bread and Pastry Production II. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)