Cotabato City (Mayo 14, 2020) – Bilang bahagi ng mga inisyatibo nito upang maiwasan ang ‘second wave’ ng Coronavirus Disease (Covid-19), ang Bangsamoro Government, sa pakikipagtulungan ng mga Local Government Unit nito, ay patuloy na nagpapatayo ng mas maraming quarantine facilities sa buong rehiyon bilang paghahanda sa pagbabalik bayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
“Alam nating mas kontrolado na ang paglaganap ng Covid-19 sa Bangsamoro Autonomous Region, ngunit ang pinapangamba natin ay ‘yung pag-uwi ng ating OFWs,” sinabi ni BARMM Health Minister Dr. Safrullah Dipatuan nitong Miyerkules, Mayo 13.
“Nababahala tayo na maaaring maging carrier ng Covid-19 ang mga OFW, at baka sila’y magdulot ng pagkalat ng virus sa kanilang mga lugar,” aniya.
Kaya naman ang Bangsamoro Government ay patuloy na nagtatayo ng mga isolation facility sa buong rehiyong Bangsamoro.
Sa kabuuan, mayroon nang 90 quarantine facilities na maaaring gamitin sa iba’t-ibang lugar sa BARMM.
Kamakailan ay ginawang quarantine facility ng Provincial Government ng Basilan ang kanilang lumang kapitolyo pati na rin ang Sumisip District Hospital, ayon kay Dipatuan.
Ang Sikabel Island, isang liblib na isla sa probinsya ng Basilan, ay nagsilbi ring quarantine area para sa daan-daang mga Pilipino na nagbalik-bansa mula sa Malaysia.
Nabanggit din ni Dipatuan na ang 100-bed capacity isolation facility na itinayo ng Bangsamoro Government sa Sultan Kudarat, Maguindanao ay malapit nang magamit. Dagdag pa niya, kamakailan ay muling binuksan ng provincial government ng Maguindanao ang Parang District Hospital upang magsilbing isa sa mga isolation facility sa probinsya.
“Pati na rin po sa probinsiya ng Sulu at Tawi-Tawi, marami din po silang naitayong quarantine facilities. So hindi po tayo nagkukulang ng isolation facilities para sa mga kababayan nating uuwi sa Bangsamoro Region,” sabi ni Dipatuan.
Mula noong ideklara ang Public health emergency, ang BARMM ay nakapagtala lamang ng labing-isa (11) kumpirmadong kaso ng Covid-19.
Sa ngayon, nananatiling sumasailalim ang BARMM sa General Community Quarantine (GCQ).
Sa kabila nito, hinikayat ni Dipatuan ang publiko na manatiling sumunod sa minimum health standards tulad ng pagpapanatili ng wastong kalinisan, pagsusuot ng face mask, pagpapatibay ng immune system, pag-iwas sa mga matataong lugar, at iba pa. (Bureau of Public Information)