COTABATO CITY—Makakatatanggap ng dagdag P20 sa arawang sahod ng mga manggagawa mula sa pribadong sektor sa buong BARMM matapos maaprubahan ang bagong wage order na ipinalabas ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB) noong Miyerkules, ika-7 ng Pebrero 2024.
Maipapatupad ang Wage Order No. BARMM-03 para sa mga non-agricultural worker na nasa industriya, manufacturing, konstruksyon, komersiyo, pagmimina, at akademiya, samantalang kabilang naman ang non-plantation at retail sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa naturang wage order, makatatanggap ng P336 na basic pay rate mula sa dating P316 ang mga nasa non-agriculture sector, at P326 naman mula sa dating P306 para sa agriculture sector sa lahat ng probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, and mga lungsod ng Lamitan at Marawi.
Makatatanggap naman ang mga manggagawa sa Cotabato City ng bagong daily minimum wage rate na P361 mula sa dating P341 para sa non-agriculture sector, at P336 mula sa dating P316 para sa agriculture sector.
Mananatili namang nasa P341 para sa non-agriculture at P316 para sa agriculture sector ang minimum pay sa Special Geographic Area (SGA).
“Walang problema sa mga employer natin ang pagtataas ng sahod. Sapat na ang P20, lalo pa’t kasalukuyang nagsisitaasan na rin ang mga pangunahing bilihin para sa mga manggagawa at employer,” sinabi ni Atty. Anwar Malang ng BTWPB.
Bago pa man ito maaprubahan ay nagsagawa ang BTWPB ng deliberasyon sa pagsusuri ng pasahod at nagdaos ng pampublikong konsultasyon upang makakalap ng mga opinyon at sentimiyento mula sa parehong sektor ng labor at management.
Samantala, sinabi ni Minister Datu Muslimin Sema ng Ministry of Labor and Employment (MOLE), na sakabila ng mga hamong kinaharap ng mga business sector ay nagkasundo ang pamahalaan at mga employer na taasan ang pasahod upang matugunan ang kanilang agam-agam at masuportahan ang kanilang mga pangangailangan.
“Natagalan kami sa pagdedesisyon dahil habang naiintindihan natin ang kapakanan ng mga manggagawa ay nababahala rin kami para sa mga employer na apektado ng tumataas na presyo ng langis at kuryente,” dagdag niya.
Ayon kay Sema, pinuri ng Government of the Day ang pribadong business sector para sa walang patid na suporta sa pagpapabuti ng sosyo-ekonomikong estado ng mamamayang Bangsamoro.
Diin niya, “Sisikapin ng Bangsamoro Government, kasama ang mga kaugnay nitong stakeholder, na mas mapabuti pa ang kalagayan ng ating mga kababayan.”
Ang bagong wage order ay inaasahang magkakabisa labinlimang (15) araw matapos ang pagkakalathala nito sa kahit isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon sa BARMM. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO)