JOLO, Sulu — Mayroon na ngayong bagong lugar ang mga kabataan sa Sulu na makatutulong sa personal at propesyonal nilang pag-unlad matapos pasinayaan ng Bangsamoro Government ang isang Multi-Purpose Training Center na nagkakahalaga ng P7.5 milyon.
Noong ika-2 ng Agosto, na-turn over ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ang center sa Sulu State College-Main Campus sa isinagawang seremonya na dinaluhan nina MHSD Deputy Minister Aldin Asiri at Sulu Provincial Director Atty. Najira Hassan, Sulu State College President Prof. Charisma Utatalum, at Member of Parliament (MP) Atty. Jose Lorena.
Ang pagpapatayo ng isang youth training center ay naaayon sa 12-point priority agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim na hangaring magbigay-daan para sa isang makabuluhang pakikipag-ugnayan at partisipasyon ng iba’t ibang mamamayan ng Bangsamoro at makapagtatag ng angkop na institusyon patungo sa isang self-sustaining at inklusibong pag-unlad ng mga kababaihan, kabataan, at iba pang bulnerableng sektor.
Sa kanyang mensahe ay nagpasalamat naman si Sulu State College President Prof. Charisma Utatalum sa MHSD, sa pamumuno ni Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra, at kay MP Lorena, na siyang nagbigay ng pondo sa naturang proyekto mula sa kanyang Transitional Development Impact Fund (TDIF), para sa kanilang patuloy na suporta na nagbigay-daan sa pagpapatayo ng center.
“Sa pamamagitan ng inyong walang tigil na suporta, andito tayo ngayon sa harap ng isang katangi-tanging pasilidad, isang lugar na magsisilbing sentro ng pag-aaral, inspirasyon, at pakikipag-ugnayan sa komunidad,” sinabi ni Utatalum.
Binigyang-diin naman ni Lorena na ang center ay “hindi lamang isang training center kundi isang simbolo ng pangako ng BARMM na paunlarin ang potensyal ng mga kabataan at bigyan sila ng kakayahan na baguhin ang kanilang buhay.”
Samantala, isang groundbreaking ceremony din ang ginanap noong ika-3 ng Agosto para sa pagpapatayo ng isang palaruan ng mga bata at isang tennis court sa Brgy. San Raymundo ng munisipalidad. Ang mga nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P2.5-milyon at P3.5-milyon, ayon sa pagkakasunod-sunod, na pinondohan sa ilalim ng TDIF ni MP Atty. Nabil Tan.
Pangangasiwaan ng Ministry of Public Works (MPW) Sulu 1st District Office, sa pangunguna ni District Engineer Ajan Ajiju, ang pagpapagawa ng mga naturang proyekto.
Inaasahang mapakikinabangan ng lahat ang playground at tennis court bilang pasyalan at lugar para sa palaro at pagtitipon-tipon, lalo na sa pagsusulong ng isang mas malusog at aktibong pamumuhay para sa mga residente ng Brgy. San Raymundo. (Alline Jamar Undikan, Sylvia Calderon, Bai Omairah Yusop/BIO)