COTABATO CITY – Para kay Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim, ang pagpasok ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Philippine National Police (PNP) ay makakatulong sa pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon at pagbibigay proteksyon sa mamamayan nito.
“Isang daan at dalawang miyembro ng MILF at MNLF ang pumasa at nakapasok sa PNP matapos makumpleto ang napakahigpit na proseso ng recruitment. Kami ay may tiwala na itong natatanging hanay ng mga bagong pulis ay makakatulong sa pagbibigay proteksyon sa ating mamamayan at pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon,” sinabi ni Ebrahim sa kanyang Chief Minister’s Hour noong Martes, ika-15 ng Agosto.
Sa kauna-unahan at makasaysayang seremonya noong ika-10 ng Agosto ay nanumpa bilang bagong miyembro ng kapulisan ang nasa 102 miyembro ng MILF at MNLF sa Camp Brig. Gen. Salipada K. Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte. Limampu’t dalawa sa mga ito ay mula sa MILF at 50 naman ang mula sa MNLF.
Ang pagpasok nila sa puwersa ng PNP ay naayon sa pinirmahang kasunduan sa pagitan ng National Police Commission (NAPOLCOM) at Bangsamoro Government bilang pagsasakatuparan sa mga probisyon ng R.A. 11054, o ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Hinamon naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, na isa rin sa mga panauhin sa oath-taking rites, ang mga bagong recruit na maging “tagapagtanggol ng katotohanan at maging ehemplo ng katapangan at responsibildad.”
“Sa sandaling nanumpa kayo, ipinangako niyo na rin ang inyong katapatan hindi lamang sa PNP, (kundi) ipinangako niyo na rin ang inyong commitment at dedikasyon sa publiko, sa sambayanang Pilipino, na nangako kayong pagsisilbihan at poprotektahan niyo sila,” sinabi ni Abalos sa mga bagong kasapi ng PNP.
Tiniyak din ni Abalos sa Bangsamoro Government na sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay sisiguraduhin ng national government na magiging matagumpay ang pagpapatupad ng BOL.
“Gumawa na tayo ng mga hakbang upang maabot ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon. Sama-sama tayo dito sa pagkakaisa natin dito sa Mindanao,” aniya.
Samantala, binanggit naman ni Chief Minister Ebrahim sa kanyang talumpati nitong Martes na ang national at ang Bangsamoro Government ay maghahanap ng iba’t ibang paraan upang makapagbigay ng marami pang oportunidad sa mga miyembro ng MILF at MNLF na sila ay makapasok sa PNP.
“Ito ay isasagawa kasabay ng patuloy na pagsusulong sa buong implementasyon ng normalization process. Ang aspetong ito ng Bangsamoro peace process ay mahalaga sa pagpapanatili ng mga naabot na tagumpay ng kapayapaan,” sinabi ni Ebrahim. (Johanie Mae Kusain, Bai Omairah Yusop/BIO)