Cotabato City (Hunyo 9, 2020)—Bilang bahagi ng pagsisikap ng Bangsamoro Government na mapigilan at malutas ang family feuds o “rido” sa rehiyon, ang Ministry of Public Order and Safety (MPOS-BARMM) ay nagsasagawa ng serye ng Consultative Assembly on Conflict Resolution sa limang probinsya ng Bangsamoro region.
Sa unang araw ng aktibidad noong ika-8 at 9 ng Hunyo, ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng Maguindanao Cluster 1 sa Cotabato City. Kabilang dito ang experts, influential leaders, at miyembro ng iba’t ibang organisasyon na ang mga sinusulong na adbokasiya ay may kaugnayan sa pag-iwas at pag-resolba ng rido.
Ayon kay MPOS Minister Hussein Muñoz, kailangang nakatuon tayo sa paglutas o pagresolba ng rido dahil isa sa mga nakakaapekto sa economic development ay ang “unrest at unstable peace situation sa rehiyon.”
Nagkaroon din ng Workshop on Resolving Conflicts on Rido na kung saan ito ay sinagutan ng mga kalahok, tulad ng conflict tree analysis on the causes and effect of rido; identification of good practices, compromise of gaps and challenges in mediating conflicts; at formulations on workable solutions and recommendations.
Sinabi ni Minister Muñoz na mahalaga na isama ang publiko sa mga talakayan at konsultasyon sa “kung paano mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan, at malutas ang rido na nagreresulta sa karahasan, pag-evacuate, at pagdurusa ng ating mga tao.”
“Malaki ang nakakaapekto sa kapayapaan at kaayusan, isa na rito ang pag-unlad ng ating lugar. Ang away sa pamilya ay laganap pa rin sa ilang bahagi ng BARMM,” dagdag pa ni Munoz.
Binigyang-diin din nito na kailangang isaayos ang nagaganap na rido kung gusto nating umunlad ang ating rehiyon.
Isasagawa din ang kaparehong aktibidad sa mga lugar ng Maguindanao Cluster II sa ika-10 at 11 ng Hunyo, at inaasahang gaganapin din ito sa Lanao del Sur sa darating na Hunyo 15 at 16.
Ang iskedyul naman na inilaan para sa Island Provinces ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi ay ipa-finalize sa sandaling maiangat ang travel restrictions sa nasabing lugar.
Ang magiging output ng aktibidad ay pagsasama-samahin at magiging bahagi ng general strategy ng MPOS sa pagsasa-ayos ng rido sa rehiyon.
“Ito ay simula ng isang pangmatagalan at methodical framework on settlement, reconciliation and unification efforts ng BARMM. Ang tagumpay ng aktibidad na ito at maglalagay ng matibay na pundasyon sa pagsisikap ng mga opisyales ng BARMM upang mapanatili ang kapayapaan at tuluyan nang matuldukan ang hidwaan sa pagitan ng hindi magkasundong pamilya,” ani Muñoz. (Bureau of Public Information)