COTABATO CITY – Sa pagsusumikap na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), pinangunahan ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) katuwang ang lokal na pamahalaan, ang pagsasayos ng ‘rido’ o away pamilya sa pagitan ng dalawang grupo sa Lamitan City, Basilan noong ika-28 ng Abril.
Pumirma sa isang amicable agreement ang dalawang pamilya upang tuluyan nang matuldukan ang mahigit isang taon nang hidwaan.
Isa sa mga naging bahagi ng pagreresolba ng di pagkakaunawaan si Albarka Municipal Justice Chairman Ustadz Hassan Sali, kung saan binigyang diin nito ang kahalagahan ng kapatawaran sa isa’t-isa.
“Pagkatapos nito ay parehas na kayong magkaroon ng maluwag na pakiramdam dahil alam ninyo na parehas kayong nagpatawad,” sinabi ni Municipal Justice Chairman Sali.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Lamitan City Councilor Noel Baul sa MPOS na pumagitna at tumulong upang tuluyan nang manumbalik ang kapayapaan sa lugar.
“Nagpapasalamat kami sa MPOS at sa kanilang Community Affairs Officer ng Basilan na kahit sa maikling panahon ng aming paghingi ng tulong ay agad nila itong naaksyunan,” pahayag ni City Councilor Baul.
Ang ‘rido’ settlement ay isa sa mga pangunahing programa ng Bangsamoro Government upang masiguro ang isang ligtas at mapayapang komunidad. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MPOS)