COTABATO CITY—Nagbigay ng pahayag si Bangsamoro Government Spokesperson Mohd Asnin Pendatun noong Lunes, ika-27 ng Mayo, na ang posibilidad na gawing probinsya ang Special Geographic Area (SGA), kabilang ang pagtatatag ng congressional district nito, ay nangangailangan ng suporta mula sa National Government.
“Hindi sakop ng kapangyarihan ng regional government ang pagtatatag nito, kaya kinakailangan natin ang tulong ng National Government para dito,” sinabi ni Pendatun, na siya ring Cabinet Secretary ng Bangsamoro Government, sa isinagawang Usapang Bangsamoro press conference.
Ibinahagi niya na patuloy pa rin ang naisagawang pakikipag-usap sa mga kaugnay na mambabatas sa National Government, upang maisulong ang pagkakabuo ng probinsya at distrito.
“Para sa mas malaking political entity, na mas mataas pa sa munisipalidad, ang paglikha nito ay nakasalalay sa National Government; kaya kailangan natin ang aksyon ng Kongreso para makapagtatag ng isang probinsya, kasabay ang congressional district nito,” dagdag niya.
Maliban dito, ibinahagi rin ni Pendatun na ang
initial phase—paper evaluation—para sa mga itatalagang Officers-in-Charge (OICs) ng SGA ay nagtapos na, at ngayon ay nasa Committee level na.
Matatandaan na noong ika-13 ng Abril 2024 ay nagsagawa ng plebesito para sa pagtatatag ng mga bagong bayan sa SGA, kabilang dito ang Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, and Ligawasan.
Batay sa anunsyo ng Commission on Elections (COMELEC), nasa kabuuang 72,358 residente ang pumabor sa pagkakabuo ng walong bagong munisipalidad sa SGA, na nagrerepresenta sa 81.10 porsiyento ng mga rehistradong botante, o 89,564 indibidwal, at 273 lamang ang di sumang-ayon.
Sinabi rin ng opisyal na ang isinagawang paper evaluation ay pangunahing nakasentro sa pagsusuri ng Secretariat sa kwalipikasyon ng mga aplikante, lalo na sa pagtitiyak na naabot ang kinakailangang minimum requirements.
“Tapos na ang paper evaluation, sunod dito ang pagpupulong ng Committee, kung saan inaasahan natin na makagagawa na ng desisyon, at kung hindi man, kasunod dito ang pagsasagawa ng mga follow-up interview kung sa tingin ng Komite ay kinakailangan,” diin niya.
Idinagdag din niya na bago o sa ikaapatnapu’t limang araw matapos na mailabas ang resulta ay mag-iisyu na ng panukala. Binanggit din niya na inaaasahang magbababa ng desisyon si Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim matapos ito.
Ang pagbuo ng isang malakas, tumutugon, at nauugnay na burukrasya ng BARMM ay nananatiling nangunguna sa listahan ng priority agenda ni CM Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)