Photo by: Benyamen Cabuntalan
Sa ikalawang pagpupulong ng Bangsamoro Economic Development Council (BEDC) noong Septiyembre 8, tinalakay ni Chief Minister Ahod Balawag Embrahim ang kahalagahan ng malakas na kolaborasyon sa pagitan ng regional at local government units upang mas mapabilis ang pagsasakatuparan ng mga proyekto sa rehiyon.
“Tinalakay sa pagpupulong ng BEDC ang pagbibigay ng prayoridad sa koordinasyon ng BARMM government at local government. Gusto nating ma-harmonize yung mga programa ng BARMM at ng local government units,” sinabi ni Ebrahim.
“Prayoridad ng BARMM ngayon ang imprastraktura, kaya ‘yun ang may pinakamalaking budget sa taong 2023-2028, sa halagang P594 bilyon,” dagdag niya.
Ayon kay Ebrahim, mayroong mabigat na papel na ginagampanan ang bawat LGU sa pag-streamline at pagpapabilis ng pagkumpleto ng mga programa, proyekto, at mga aktibidad sa buong rehiyon; aniya ang koordinasyon at partisipasyon ng mga governor at mayor ay mahalaga sa implementasyon ng mga ito.
Sinabi naman ni Sulu Governor Sakur Tan na, “ang mga regular na pagpupulong kagaya nito, lalo na face-to-face, ay napakahalaga sapagkat mas tumitibay ang ating relasyon.”
“Nais naming gamitin ang pagkakataong ito at imungkahing mas pagandahin pa ang aming mga port, upang makapagsilbi kami ng mas maraming barko, di lamang galing o papunta sa Zamboanga, kundi pati na rin sa Davao, Cebu, at kahit pa sa Manila,” pahayag ni Tan.
“Nais din naming samantalahin ang oportunidad na ito upang hilingin na maipaayos ang aming mga runway nang makalapag ang mas malalaking eroplano sa aming paliparan. Sinisiguro naming, Mr. Chairman, na susuportahan natin ang mga programa ninyo at hindi namin sasayangin ang oportunidad na ito,” pagtitiyak ng gobernador.
Samantala, umapela rin si Basilan Governor Jim Salliman sa BARMM Government, aniya, “mag-propose kami ng international port dahil nadeklara naman yung functionality natin; pangalawa ay iyong paliparan natin, sa katunayan ay nag-invest na ang local government, na siyang inisyal na implementasyon ng programa.”
Bilang chairman ng council, ibinahagi ni Chief Minister Ebrahim ang mga kaunlaran sa BARMM region, gaya ng malaking pagtaas ng investment na umabot sa mahigit P3.1 bilyon, ang pagkakaroon ng mga inisyatiba sa ekonomiya gaya ng Sulu Ecozone, pagpapalawig ng ekonomiya sa Tawi-Tawi seaport, at pagbubukas ng pampublikong pamilihan sa Basilan at Maguindanao del Sur.
Dumalo rin sa pagpupulong ang mga minister, local chief executives, at mga lider sa rehiyon, kabilang sina Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua, Tawi-Tawi Governor Yshmael “Mang” Sali, Cotabato City Mayor Mohammad Ali Bruce Matabalao, Isabela City Mayor Roderick Furigay, Senior Minister Abunawas Maslamama, Minister of Social Services and Development Atty. Raissa Jajurie, Minister of Public Order and Safety (MPOS) Hussein Munoz, BEDC Vice-Chairman Engr. Muhajirin Ali, Members of Parliament Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, Atty. Ubaida Pacasem, at Architect Eduard Guerra, CBCS Chairman Guiamel Alim, at marami pang iba. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)