LIGAWASAN, SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Nasa 1,043 indibidwal ang nakabenepisyo mula sa isang araw na government convergence noong Huwebes, ika-27 ng Hunyo sa Barangay Bulol, Ligawasan, SGA.
Dinala ng nasabing convergence, na tinawag na “SGADA sa Munisipyo”, na inorganisa ng Special Geographic Area Development Authority (SGADA) ang iba’t ibang ministry, opisina, at ahensya sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kabilang ang kani-kanilang mga serbisyo.
Sinabi ni SGADA Administrator Butch Malang na ang kaganapan ay kabilang sa mga inisyatiba ni Chief Minister Ahod Ebrahim na mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa publiko.
“Nais ng Government of the Day na matiyak na bawat mamamayan ay magkaroon ng access sa mga mahahalagang serbisyo ng gobyerno,” sinabi ni Malang.
Ayon sa ulat ng SGADA, mahigit sampung ahensya ang nagtulungan upang makapagbigay ng mga serbisyo gaya ng medical consultation, eye screening, medical assistance at medicine dispense, pamamahagi ng punla, pagpaparehistro ng work association, at pamamahagi ng food packs, at iba pa.
Sa taong ito lamang, nakapagsagawa na ang SGADA ng apat na kaparehong aktibidad at inaasahan na makapagsasagawa ulit nito upang maabot ang mas maraming mamamayan sa SGA.
Ang SGA ay isang teritoryo ng BARMM na matatagpuan sa iba’t ibang munisipalidad ng Cotabato Province, na naitatag sa pamamagitan ng isang plebesito noong 2019, kung saan napasama rito ang 63 barangay mula sa mga munisipalidad ng Carmen, Kabacan, Pikit, Aleosan, Midsayap, at Pigcawayan. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa SGADA)