COTABATO CITY—Nasa 1,400 na benepisyaryo ng Bangsamoro Access to Higher and Modern Education Scholarship Program (AHME-SP) ang nakapagtapos sa isinagawang kauna-unahang cohort graduation ceremony noong ika-18 ng Abril 2024.
Sa pangunguna ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE), ang seremonyang idinaos sa Kabunsuan Cultural Complex (SKCC), sa loob ng Bangsamoro Government Center dito sa lungsod ay nagsilbing testamento sa commitment ng Bangsamoro Government sa mithiin nitong ‘One Professional for Every Family.’
“Ang kaganapang ito ay isang testamento sa misyon nating magkaroon ng mga Bangsamoro Professional sa bawat lugar sa autonomous region para sa trabaho at negosyo, habang napabubuti ang inyong access sa trabaho at oportunidad sa negosyo,” sinabi ni BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim.
Pinuri rin ni CM Ebrahim ang mga iskolar para sa kanilang katatagan, pagiging uhaw sa kaalaman, at potensyal na makapagdala ng positibong pagbabago sa lipunan.
“Ang kaganapang ito ay talaga namang aking ikinararangal lalo pa na isa sa mga produkto ng ating Jihad ay nagbunga na dahil sa makagagawa tayo ng 1,400 bagong Bangsamoro professional,” dagdag niya.
Bukas ang AHME-SP para sa mga kwalipikadong high school at ALS graduate at nag-aalok ng four o five-year college curriculum. Prayoridad nito ang mga indibidwal na mula pa sa mga lugar na biktima ng kaguluhan at nagbibigay ng pinansyal na suportang nasa P60,000.00 bawat academic year.
Sa kanyang mensahe, hinimok naman ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal ang mga benepisyaryo na maging daan para sa pagbabago.
“Para sa aming mga natatanging benepisyaryo ng AHME, sa pagpasok ninyo sa susunod na kabanata ng inyong buhay ay nawa’y inyong isa-isip na ang inyong edukasyon ay nagbibigay ng pag-asa at kasangkapan para sa pagbabago,” pahayag ni Iqbal.
“May responsibilidad kayo na tulungan ang inyong komunidad at kababayang Bangsamoro. Sobrang naghirap ang ating mga mamamayan dahil sa epekto ng digmaan at labanan, at napakalaki ng nawala sa atin – ang ating mga komunidad ay mahirap at di gaanong maunlad. Kailangan nating baguhin ito,” dagdag niya.
Dagdag pa ng education minister na ang Government of the Day ay committed sa paglikha ng mga oportunidad para sa mga kabataan na magkaroon ng access sa de-kalidad na edukasyon, at mapalakas sila upang makapag-ambag sa paglago at kaunlaran ng Bangsamoro region.
Samantala, nagbahagi naman si Catherine Joycee Arandia, isa sa mga iskolar at Summa Cum Laude Candidate na magtatapos ng Bachelor of Science in Nursing mula sa San Pedro College, Davao City, kung paano nakatulong sakanya ang nasabing scholarship sa kanyang pag-aaral.
“Ang AHME scholarship ay hindi lamang pinansyal na suporta. Pag-asa ang nirerepresenta nito at kung paano nito pwedeng mabago ang ating mga buhay kung saan ang pangarap ay hindi lamang nananatiling pangarap; pwede itong matupad,” wika niya.
Sumisimbolo ang programa ng simula ng bagong kabanata sa buhay ng ga iskolar, puno ng walang hangganang posibilidad at pagkakataon para sa personal at propesyunal na pag-unlad.
“Sa tulong ng AHME scholarship, nahasa ko ang aking mga kakayanan at kaalaman upang malampasan ang mga pagsubok at makatulong sa holistic na pagbabago sa lipunan,” dagdag niya. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO)