COTABATO CITY—Sa pagpapatuloy ng pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon, tinanggap ng 174 indibidwal ang kanilang completion certificate sa crash course on Bangsamoro Peace and Democracy noong Huwebes, ika-29 ng Hunyo dito sa lungsod.
Sa mensahe ni Chief Minister Ahod Ebrahim na ipinaabot ni Senior Minister Abunawas Maslamama binigyang-diin niya ang kahalagahan ng nasabing kurso bilang pagsuporta nito sa mga cadre officers at komunidad sa kanilang pagtatatag ng mas nagkakaisa at malakas na pundasyon para sa gobyerno.
“Remember that this graduation is not the end of your journey; rather, this is the beginning of your productive journey in helping the government of the day achieve peace-loving citizens and continue transforming Bangsamoro communities,” sinabi ni Ebrahim.
Ayon pa kay Chief Minister Ebrahim, mananatiling nakasuporta ang Government of the Day sa lahat ng mga aktibidad na tungo sa pagsusumikap ng gobyerno.
“The Bangsamoro Government remains steadfast in its commitment to attaining everlasting peace, progress, and unity in the Bangsamoro territory,” dagdag niya.
Ang School of Peace and Democracy-Bangsamoro (SPD-B) ay isang short-term course na dinisenyo upang makapagbigay ng oportunidad sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF) at mga kababaihang lider na makibahagi sa prosesong pangkapayapaan, pagkakaisa, at katatagan ng komunidad at marami pang iba.
Pinangunahan naman ng Peace, Security, and Reconciliation Office (PSRO) of the Office of the Chief Minister (OCM) ang pagsasagawa ng nasabing proyekto sa tulong ng Development Academy of the Bangsamoro, katuwang din ang United Nations Development Programme (UNDP) at Australian Embassy in Manila. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)