COTABATO CITY— Nagtapos ang nasa 24 Bangsamoro persons with disabilities (PWDs) noong ika-30 ng Nobyembre nang makumpleto nila ang libreng skills training courses sa idinaos na 32nd Commencement and Recognition ceremony ng mga PWDs sa Center for the Handicapped dito sa lungsod.
Inorganisa ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang nasabing aktibidad sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development-Field Office (DSWD-XII).
Muling pinagtibay naman ni MSSD Minister Atty. Raisa Jajurie, na nirepresenta ni Chief of Staff Lyca Sarenas, ang commitment ng Ministry sa pagsasagawa ng mga makabuluhang programa, serbisyo, at tulong para sa mga PWD, alinsunod sa Republic Act No. 11054, o ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
“Sakabila ng malaking responsibilidad sa pagpapatakbo nitong Center for the Handicapped, handa ang MSSD na maituloy ang mga nasimulan ng DSWD-XII sa center,” diin ni Jajurie.
Kasama sa mga kursong inaalok ay basic massage therapy, computer literacy, basic cooking, functional literacy level VI, at social preparatory course. Maliban dito ay nakatanggap din ang mga nagsitapos ng proficiency certificate at mga medalya pagkatapos ng programa.
Sa tulong ng mga skills training na ito ay nilalayon ng Center for the Handicapped na mapataas ang tiwala ng mga PWD sa kanilang kakayanan bilang mahalagang mamamayan ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga benepisyaryo nito ng bokasyonal at sosyal na rehabilitasyon.
Matatandaan na noong ika-3 ng Nobyembre ay matagumpay na nai-turn over ang nasabing care facility sa MSSD sa paghahangad na mapabuti at mailatag ang pundasyon sa pag-abot ng buong potensyal ng mga PWD sa BARMM.
“Makasisiguro na tayo na ang Bangsamoro Government ay mayroon ng pasilidad at kapasidad na maisagawa ang mandato nitong magbigay ng oportunidad para sa mga PWD na makapag-ambag sa komunidad kapareho o kung hindi man ay higit pa sa mga hindi PWD,” pagbibigay-diin ng Minister sa idinaos na turnover ceremony.
Inaasahan ding gagabayan ng DSWD-XII ang MSSD sa buong proseso ng transition process hanggang ika-31 ng Disyembre.
Ang pagtatatag ng care facilities para sa isang self-sustaining at inklusibong pag-unlad ng mga Bangsamoro PWD ay nakahanay sa panlabing-dalawang priority agenda ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)