COTABATO CITY—Tumanggap ang 25 youth organizations ng notices of completeness sa isinagawang pop-up event ng Bangsamoro Youth Commission noong ika-20 ng Hunyo, matapos nilang makumpleto ang lahat ng mga kinakailangan para sa sertipikasyon para sa paparating na Bangsamoro parliamentary elections sa 2025.
Kaagad na nagbigay ng tulong ang BYC sa mga youth organizations, kung saan sila ay ginabayan sa pagpoproseso sa pagsusumite. “Binibigyang-diin ng inisyatibang ito ang commitment ng Komisyon na mapalakas ang partisipasyon ng publiko sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pagsusuporta sa mga kabataang galing sa bawat bahagi ng BARMM sa mga proseso ng pamamahala,” nakasaad sa post ng BYC.
Nakasaad sa Bangsamoro Electoral Code (BEC) na ang mga nakalaang seat para sa sectoral representatives ay bubuuin ng 10% ng mga miyembro ng Parliyamento. Kabilang dito ang dalawang (2) seat para sa Non-Moro Indigenous Peoples at settler communities, at isang (1) seat bawat isa para sa mga kababaihan, kabataan, tradisyunal na lider, at ang Ulama, na hindi bababa sa walong (8 sectoral representatives).
Ang nasabing sertipikasyon ay mahalaga para sa mga youth organizations na gustong lumahok sa darating na eleksyon, na siyang magtitiyak na naabot nila ang mga kinakailangang kwalipikasyon.
Samantala, ang mga youth organizations sa Lanao del Sur kabilang ang Marawi City, Basilan kabilang ang Lamitan City, Sulu, at Tawi-Tawi ay maaaring magsumite ng kanilang mga dokumento sa tanggapan ng BYC na matatagpuan sa kani-kanilang lugar.
Pinapadali ng desentralisasyon na ito ang mas madaling pag-access para sa mga youth organizations sa labas ng Cotabato City, na siyang magtitiyak sa pagiging inklusibo at mas malawak na partisipasyon sa buong rehiyon ng BARMM. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa BYC)